ITINIGIL na ni Pangulong Digong ang usapang pangkapayapaan sa NDF-CPP-NPA. Ipinauubaya na niya sa mga korte ang pagdakip sa mga binigyan ng piyansa na mga negotiator at consultant ng rebeldeng grupo. Bunsod ito ng pagbawi ng rebeldeng grupo sa ideneklarang unilateral ceasefire dahil ayaw daw palayain ng Pangulo ang mga nakakulong pang political prisoner.

Bilang ganti, binawi rin ng Pangulo ang ideneklara niyang unilateral ceasefire. Pero, ayon kay NDF consultant Luis Jaladoni, puwede pa namang ituloy ang usapang pangkapayapaan kahit walang tigil-putukan.

Ituloy man ito, hindi ako umaasang magiging matagumpay ito. Ang mahalaga sa akin ay huwag sanang maging dahilan ang pagputol ng Pangulo sa usapang pangkapayapaan upang kumalas ang mga kaalyado ng rebeldeng grupo sa kanyang Gabinete. O kaya, pagtanggal niya sa mga ito.

Kasi, kahit sa maigsing panahong panunungkulan nina Rafael Mariano, Judy Taguiwalo at Liza Masa ay naipakita nila ang ibang uri ng pagganap sa tungkulin. Si Mariano ay hinirang ng Pangulo bilang Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary; si Taguiwalo, secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); at si Liza Masa, pinuno ng Anti-Poverty Commission (APC).

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Si Pangulong Digong mismo ang nagsabi na malaki ang tiwala niya kay Taguiwalo kaya alam niyang ang tulong ng gobyerno ay makararating sa mamamayan lalo na iyong mga nangangailangan at nabiktima ng mga kalamidad. Tahimik na ginagampanan ni Taguiwalo ang kanyang trabaho na bihira siyang makita at mabasa sa media ang kanyang ginagawa.

Pero, wala kang maririnig na reklamo mula sa kanyang nasasakupan. Hindi tulad ito ng mga nauna sa kanya na laging laman ng balita, pero ang sinasabi nilang kanilang ginawa at nagawa ay hindi mo naman makita. Puro reklamo ang marinig mo dahil hindi nakarating sa kinauukulan ang nararapat para sa kanila.

Gaya ni Taguiwalo kung gumanap ng tungkulin sina Mariano at Masa. Nalalagay sa parehas ang mga kababayan nating kung tawagin ni VP Robredo ay nasa “laylayan ng lipunan”. Ang proteksiyong ibinibigay ng batas sa mga magsasaka ay natatamasa nila sapagkat pinaiiral ito nang lubusan ni Mariano.

Kasama ni Mariano ang mga magsasakang bumabalik sa lupaing kinamkam sa kanila ng iba sa dahas. Kung sa DENR, naroroon si Sec. Gina Lopez na nagpapasara ng... mga minahang sumisira sa kalikasan, narito naman sa DAR si Mariano na ipinatigil sa loob ng dalawang taon ang conversion ng mga lupain tanimang palay at nagbibigay ng masaganang ani.

Sa abot din ng kanyang makakaya at naaayon sa kanyang kapangyarihan, ipinaiiral ni Masa ang mga programa ng gobyerno upang malapatan ng lunas ang kahirapan.

Sina Taguiwalo, Mariano at Masa ay kailangang manatili sa gobyerno dahil halimbawa sila ng mabuti at malinis na pamamahala. Kung makakaya pang gawin ni Pangulong Digong, dagdagan pa niya ang mga kagaya ng tatlong nabanggit upang may katulong si Sec. Lopez at iba pang nagsusulong ng kabutihan. (Ric Valmonte)