NAGTATALUMPATI si Pangulong Duterte sa paglulunsad ng Hardin ng Lunas, isang proyekto ng gulayan upang tulungan ang pamilya ng mga miyembro ng Presidential Security Group sa Malacañang Park nitong Lunes, nang ihayag niya ang muling pagbuhay sa dalawang programa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagsusulong ng produksiyon ng bigas — ang Masagana 99 at ang Biyayang Dagat.
Ang Masagana 99 ay ang Green Revolution na nagtaguyod ng pagtatanim ng mga bagong uri ng bigas na dinebelop ng International Rice Research Institute, at katuwang ang mga magsasaka ay lumikha ng mga modernong teknolohiya sa pagtatanim gamit ang mga pataba, pestisidyo, herbicides at irigasyon. Ang Biyayang Dagat ay ang Blue Revolution, na tumutok naman sa programa sa pagpapasigla ng produksiyon ng isda, at mga mangingisda naman ang nakinabang sa mga pinalawak na pautang upang mapag-ibayo ang kanilang huli.
Dahil sa Masagana 99, naging sapat ang produksiyon ng bigas sa Pilipinas at nagawa pang makapagluwas sa ibang bansa noong 1977 hanggang 1980. Kalaunan, nanamlay ang produksiyon na isinisi sa lumalakas na konsumo ng mabilis lumobo nating populasyon, bukod pa sa nararanasang tagtuyot dahil sa El Nino na sinundan ng pananalasa ng malalakas na bagyo. Ngayon, nag-aangkat tayo ng libu-libong tonelada kada taon upang matiyak na sapat ang bigas para sa mamamayan sa isang buong taong konsumo.
Sinikap ng mga sumunod na administrasyon na tularan ang naging tagumpay ng Masagana 99 ngunit nabigo sila. Ilang beses ding inihayag ng nakaraang administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III na makakaya nitong gawing sapat ang produksiyon ng bigas sa bansa sa paglulunsad ng iba’t ibang uri ng palay na masagana kapag inani, at hindi naaapektuhan ng tagtuyot at baha. Ngunit hanggang sa nagtapos ang anim na taon niyang termino ay malaking bahagi pa rin ang inaangkat ng bansa mula sa Thailand at Vietnam.
Inihayag ngayon ni Pangulong Duterte ang plano niyang buhaying muli ang mga programa ni Pangulong Marcos para sa kasapatan ng pagkain, at sa tulong ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ay dapat na maisakatuparan niya ang matagal nang inaasam na kasapatan ng produksiyon sa bansa para sa mamamayan nito. Mayroon na tayong mga pinabuting uri ng palay para sa masaganang produksiyon kumpara dati. Pinaghandaan na rin ng bagong administrasyon ang pagkakaloob ng libreng irigasyon sa lahat ng magsasaka.
Malinaw na nariyan ang nariyan ang determinasyon ng gobyerno upang hikayatin ang lokal na produksiyon kaysa importasyon na karaniwan nang pinakikinabangan lang ng iilang negosyante, hindi pa kasama rito ang pagpupuslit.
Nagsilbing inspirasyon kay Pangulong Duterte ang Masagana 99 at Biyayang Dagat ni Pangulong Marcos. Gamit ang bago at mas produktibo at mas hindi naaapektuhan ng klima na uri ng palay, at sa kilala nating matinding determinasyon ng Pangulo, hindi malayong mangyari na ang kasapatan sa bigas at maging sa mga prutas sa ating mayamang taniman.