HALOS pumutok na naman ang butse ni Boy Commute nitong Lunes ng umaga.

Naka-isputing pa naman ang porma dahil sasabak siya sa importanteng pagpupulong kung saan naamoy niya na siya’y magkakaroon ng panibagong raket.

Kaching!!! Ito ang nasa isip niya sa tuwing nakukumbinsi niya ang kanyang mga kapulong na kayang-kaya niya ang gawain na inaalok sa kanya.

Nakasuot ng balat na sapatos, itim na pantalon at puting polo shirt na animo’y rarampa ang kolokoy.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nag-ahit pa ng kanyang manipis na balbas at hiwa-hiwalay na bigote para “neat-looking.”

Subalit nawala sa porma si Boy Commute nang lumabas na ito ng bahay upang maghanap ng masasakyan patungo sa kanyang meeting place.

Trenta minutos hanggang isa’t kalahating oras ay hindi pa rin nakasasakay si pogi.

Kung mayroon mang dumaraan na jeep, ito’y puno na at halos maging sa bubungan ay wala nang espasyo dahil may nakasabit sa harap at likod ng sasakyan.

Sa kapwa commuter pa niya natunugan na oras pala ng “tigil-pasada” ng mga driver at operator ng iba’t ibang transport group laban sa old jeepney phaseout na ipinatutupad ng gobyerno.

Napakahaba ng pila ng mga pobreng pasahero sa magkabilang kalsada at lahat sila’y nakakunot ang noo at inis na inis dahil walang masakyang jeep.

Siguro naman ay batid na ng mga ahensiya ng gobyerno, partikular na ang Department of Transportation (DoTr), Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) na may ikinasang transport strike ang mga transport group nitong Lunes.

At kung talagang batid ng gobyerno na may ganitong mangyayari ay nagpakalat na dapat ang mga ito ng mga “Libreng Sakay” upang makatulong sa mga naipit na pasahero.

Zero ang naging tugon ng gobyerno.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni MMDA Chairman Tim Orbos na mayroong bus na ipinakalat ang ahensiya. Mister Orbos, wala po kaming nakitang MMDA bus sa lansangan ng mga oras na iyon.

Dati-rati, mabilis ang aksiyon ng pamahalaan sa tuwing may ganitong problema. Malaking bilang ng pampasaherong bus, jeep, utility vehicle ang ipinakakalat hindi lamang ng MMDA, kundi maging PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Bakit wala kaming naispatan na government vehicles na tumutulong sa mga stranded passenger?

Wala na ba kayong panggasolina o talagang inutil lang ang mga ahensiya ng gobyerno na dapat ay mabilis umaksiyon sa ganitong sitwasyon?

Kaliwa’t kanan na mura ang maririnig mo sa mga pasahero noong mga oras na iyon.

Samantala, meron na namang pinaplanong nationwide transport strike sa mga susunod na linggo.

Hoy! Gising! (ARIS R. ILAGAN)