Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang security guard na umano’y suma-sideline na “isnatser” sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng MPD-Station 7, nakipaghabulan pa muna sa mga pulis bago tuluyang naaresto si Loreto Bautista, 30, miyembro ng “Commando” gang at residente ng Tondo, Maynila.
Nauna rito, dakong 6:30 ng gabi ay naglalakad ang biktimang si Raymond Aparre, 25, mekaniko, ng 463 A. Rivera Street, Caloocan City, sa kahabaan Solis Street sa Tondo nang bigla na lang umanong hablutin ng suspek ang kanyang cell phone.
Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at kaagad na hinabol ang suspek habang sumisigaw ng, “Tulong! Tulong!
Snatcher iyan! Harangin yung lalaking tumatakbo!”
Nakatawag ng pansin ang pagsigaw ng biktima sa mga nagpapatrulyang pulis kaya hinabol ng mga ito si Bautista hanggang sa nakorner at naaresto sa Dagupan Extension.
Nabawi ng mga awtoridad ang cell phone ng biktima mula sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong robbery sa Manila Prosecutor’s Office (MPO). (Mary Ann Santiago)