SUMASAILALIM sa rehabilitasyon ang dumpsite ng Dagupan City, Pangasinan, na isinara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Enero 21, at sa lalong madaling panahon ay tataniman ng mga puno at gulay.
Ito ang ibinahagi ni Ronald De Guzman, waste management officer ng lungsod, at sinabi na ito ay pagtalima sa Republic Act 9003 na tinatawag na “Ecological Solid Waste Management Act of 2000.”
Nagsalita si De Guzman sa public hearing na isinagawa ng Committee on Environment and Natural Resources ng city council na pinamumunuan ni Councilor Jeslito Seen.
“Soon, we will start conducting tree planting as part of the rehabilitation of the dumpsite,” ani De Guzman.
Isinara ang open dumpsite ng lungsod nang maglabas ng cease and desist order ang regional office ng Environment Management Bureau (EMB), isang ahensiya ng DENR.
Dinaluhan ng lahat ng mga barangay chairman at iba pang mga stakeholder, idinetalye sa public hearing ang mga binabalak na gagawin ng lungsod para maiwasang umabot sa krisis ang kasalukuyang problema sa basura ng lungsod.
Ipinasa ng lungsod noong Pebrero 1 ang isang ecological waste management plan para sa taong 2015 hanggang 2024 na kung matagumpay na maisasakatuparan ay magiging malinis at environment-friendly city ang Dagupan at kasama ang mga mamamayan nito na inatasang tumulong sa pangangasiwa ng basura ng lungsod sa pamamagitan ng paghihiwa-hiwalay ng iba’t ibang uri ng basura at pagbabawas nito.
Umaasa si Konsehal Seen na maisasaayos ang basura ng lungsod bilang pagtugon na rin sa probisyon ng RA 9003.