Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang tangkang pagpatay ng riding-in-tandem sa isang aktibong pulis na nakatalaga sa Northern Police District (NPD), sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Sa imbestigasyon ng MPD-Station 7, dakong 4:30 ng madaling araw, lulan sa kanyang scooter si Police Inspector Dennis Javier, ng Makata Street sa Sta. Cruz, Maynila, nang bigla na lang barilin ng riding-in-tandem sa 2nd Avenue sa Caloocan City.
Kahit duguan, nagawang makasakay ni Javier sa kanyang motorsiklo at nang makita ang mga tauhan ng MPD-Station 7, sa pangunguna ni Police Sr. Insp. Homey Hanzel, ay agad siyang humingi ng saklolo.
Nakiusap umano si Javier sa mga pulis na dalhin siya sa pinakamalapit na ospital dahil sa tinamong dalawang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Si Javier ay naging hepe ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) bago tuluyang inilipat sa NPD.
(Mary Ann Santiago)