KUNG noon ay isang panaginip lamang, ngayon ay isa nang katuparan ng pangarap para sa katulad kong nakatatandang mamamayan na mistulang ipinagtatabuyan upang makapaglingkod pa sa mga establisimiyento at iba pang tanggapan.
Inilabas na ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang implementing rules and regulations (IRR) hinggil sa ganap na implementasyon ng Republic Act 10911 na lalong kilala bilang Anti-Age Discrimination and Employment Act.
Matagal ding pinanabikan ng ating mga kapatid na nakatatandang mamamayan o senior citizens ang pagpapatupad ng naturang batas na natitiyak kong kumikilala sa kanilang kasiglahan, katalinuhan at matinding hangaring makapagtrabaho. Mabuti na lamang at nagising sa katotohanan ang ating mga mambabatas na hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon o pagtanggi sa pagtanggap ng mga kumpanya sa kanilang mga kawani; naniniwala sila na malaki pa ang kanilang magagawa sa pagsulong ng kanilang mga pinaglilingkurang tanggapan.
Makatwiran lamang na maging bahagi ng naturang IRR ang mahigpit na pagbabawal sa mga employer na tanggihan ang mga kawani dahil lamang sa edad; hindi rin sila makapagpapalathala ng mga patalastas na magtatakda ng limitasyon at diskriminasyon batay din sa edad ng aplikante. Pinagbabawalan din silang obligahin ang pagdedeklara ng mga aplikante ng petsa ng kanilang kapanganakan. At lalong hindi maaaring pagbasehan ng mga employer and edad ng mga kawani sa pagtatakda ng sahod at sa pagkakaloob ng mga benepisyo at iba pang pribilehiyo batay sa edad ng kanilang mga kawani.
Matindi ang mga parusang igagawad sa mga lalabag sa naturang batas. Ang magkakasalang mga kumpanya ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P50,000 at hindi lalagpas sa P500,000. Maaari rin silang patawan ng pagkakabilanggong ng hindi bababa sa tatlong buwan subalit hindi naman lalagpas sa dalawang taon. Hindi ko matiyak kung ang kambal na parusang ito ay maipapataw sa mga lalabag.
Paulit-ulit na nating kinakatigan ang pagbibigay ng pagkakataon sa nakatatandang mga manggagawa upang makapaglingkod batay sa kanilang kakayahan. Ang edad ay hindi balakid upang patunayan ang kanilang katalinuhan sa iba’t ibang larangan ng paglilingkod sa ehekutibo, hudikatura, lehislatibo at iba pa. Aktibo pa rin ang kinikilala nating mga nakatatandang mamamayan bilang mga kaagapay sa pagsusulong ng mga programa at patakarang pangkaunlaran, pangkabuhayan at panlipunan.
Patunay lamang ito na hindi kumukupas ang lakas, talino at kakayahan ng mga may edad na, wika nga. (Celo Lagmay)