HINDI big deal kay Ms. Elizabeth Oropesa kung second choice lang siya sa Moonlight Over Baler ng T-Rex Entertainment Productions.
“Nang ipadala nila sa akin ang script at mabasa ko, tinawagan ko agad si Direk Gil Portes,” kuwento ni La Oro (tawag sa kanya ng mga kaibigan). “Sabi ko, ‘Direk, huwag mo nang ibibigay kahit kanino ang role ni Fidela, walang problema sa akin kahit sa iba mo ito unang in-offer. I love her character so much, iyong hintay siya nang hintay sa pagbabalik ng isang pag-ibig na hindi naman bumalik.”
Ang husay-husay at very touching ang performance ni La Oro nang mapanood sa premiere night last February 2 ang Moonlight Over Baler. Ikinatuwa niya nang batiin siya pagkatapos ng screening. Marami ang nagsasabi na puwede siyang ma-nominate for best actress sa susunod na award-giving season.
Ginampanan ni La Oro si Fidela na lumitaw sa second part ng story na nagsimula noong World War II. Ikakasal na sana si Fidela, na ginampanan ni Sophie Albert noong kabataan niya, at si Nestor na ginampanan naman ni Vin Abrenica. Pero namatay si Nestor sa giyera at after 40 years ay may dumating sa Baler na isang Japanese photographer at mahilig mag-surf at nakilala si Fidela (si La Oro na), kamukhang-kamukha siya ni Nestor, pero alam niyang hindi na iyon ang lalaking minahal niya noon.
Kumusta namang katrabaho si Vin?
“He is good, mahusay siya, willing siyang matuto at madalas during our shooting, marami siyang ‘tinatanong. Minsan sa isang eksena, sinampal ko siya at tumilapon pa ang suot niyang salamin, pero lumapit siya sa akin pagkatapos ng eksena at nagpasalamat pa siya na tinotoo ko ang pagsampal ko sa kanya, naibigay daw niya ang emotions niya.”
Kung hindi busy sa shootings and tapings si Elizabeth, naroon siya sa kanyang clinic sa Fairview, Quezon City. Isa kasi siyang certified healer. Noong tumira siya sa States ng seven years, nag-aral siya ng alternative medicine.
Kung may taping siya, tulad ngayon na kasama siya sa bagong afternoon prime drama ng GMA 7, ang remake ng Impostora, inaayos niya ang schedules ng kanyang mga pasyente.
Kahapon ang opening in cinemas nationwide ng Moonlight Over Baler na may napakaganda ring theme song na O, Maliwanag Na Buwan. (NORA CALDERON)