UPDATED si Cong. Vilma Santos sa current events, at hindi lang sa national o international events kundi pati na sa mga nagaganap sa showbiz.
Kahit kasi busy sa pagiging kinatawan ng Lipa sa Kongreso, sadyang naglalaan siya ng panahon para magbasa ng mga diyaryo – at siyempre hindi niya nilalampasan ang entertainment sections.
“Alam n’yo namang halos lahat ng tabloids at broadsheets may kopya ako araw-araw,” sey ni Ate Vi nang makatsikahan namin sa opisina niya sa Congress. “Kaya nababasa ko kung sino ang namayagpag at pinag-uusapan.”
Kahit bihira na siyang gumawa ng pelikula, this year ay magdiriwang pa rin siya ng kanyang 55 years sa showbiz. Isa pa rin sa mga tinitingala ang estadong narating niya sa industriya at mukhang malabo na itong masundan pa ng nagsusulputang mga artista ngayon.
Pero naniniwala si Ate Vi, batay na rin sa karanasan niya bilang aktres, na may mga artistang inborn talaga o may mga ipinanganak na likas ang kahusayan sa pag-arte at meron din namang napasok sa showbiz dahil kamag anak ng mga artista.
Sabi ni Ate Vi, ang labanan ngayon ay kung paano ka tatagal sa showbiz. Kaya kahit na may angking talino sa pag-arte, hindi dapat magkaroon ng negative attitude na kadalasang ipinapakita ng mga baguhan.
“Maaaring superstar ka overnight, good only for six months, mayroon namang unti-unti, pero ‘pag pinag-usapan na hanggang ngayon nasa show business pa rin. I think, ang galing talaga should come from the heart. You have to love your craft, kailangang mahal mo ‘yung career mo, para mamahalin ka rin nito,” sey pa ng award winning actress/public servant.
Ngayong award season ay isa uli sa matunog na lalaban for best actress si Ate Vi dahil sa acting na ipinamalas niya sa Everything About Her. Katunayan, siya na nga ang tinanghal na best actress ng isang award-giving body.
“Sa totoo lang naman, hindi ibig sabihin kapag sinasabing Vilma Santos, Nora Aunor, Sharon (Cuneta), Maricel (Soriano), kapag nakatanggap na ng award, eh, ikaw na ang pinakamagaling? Hindi rin. Kami may mga eksenang hindi rin namin nagagawa. You’re only as good as your last film, which means, hindi porke nagka-award ka, ikaw na. Kailangang non-stop learning,” lahad pa rin ni Cong. Vi.
Naniniwala rin si Ate Vi na nagbabago ang panlasa ng award-giving bodies at ganoon din ang mga tumatangkilik ng mga pelikula at nanonood ng telebisyon.
“Ako, sa experience ko more than 50 years hanggang ngayon meron pa rin akong natututuhang iba. Dapat ang artista sumusunod din sa panahon. Hindi ka maiiwan doon na ikaw na ‘yung pinakamagaling, ‘no. There’s no such thing, wala,” banggit pa rin ng nag-iisang Vilma Santos. (JIMI ESCALA)