PAGPAPALAIN ang magkapatid na Jak Roberto at Sanya Lopez dahil inuuna ang kapakanan ng kanilang pamilya kesa sarili nila.
Nag-iipon ang magkapatid na parehong GMA Artist Center talents para mabigyan ng bahay ang mommy nila.
Kaya pala napakasipag ng dalawa. Maraming show si Jak sa GMA-7. Bukod sa Meant To Be, napapanod din siya sa Bubble Gang, Dear Uge at Sunday Pinasaya.
Si Sanya, kahit ang Encantadia lang ang regular show, madalas mag-guest sa ibang programa ng network at ang natatanggap na talent fee ay nakakatulong para mabilis silang makaipon ni Jak.
Hindi pa namin nai-interview uli si Sanya, pero ang karakter niya sa Encantadia bilang si Danaya ang gusto ni Reyna Amihan (Kylie Padilla) na pumalit sa kanya bilang reyna ng Lireo.
Si Jak naman ay mas nakakilalang si Andoy sa Meant To Be at klik sa viewers ang karakter niyang torpe, mahiyain at may secret love kay Barbie Forteza. Isa siya sa apat na leading men ni Barbie at dream come true ito sa kanya, kaya pinagbubuti niya ang acting para hindi rin mawala ang blessings. (Nitz Miralles)