Nagaganap ang legal na labanan dulot ng pagbabawal ni United States President Donald Trump sa mga mamamayan ng pitong pangunahing bansang Muslim na pumasok sa US. Nang ilabas niya ang kanyang executive order noong Enero 27, naglabas ng order si US District Judge James Robart ng Seattle, Washington State, na tumatapos sa ban, na kumukuwestiyon kung hindi ba nito nilalabag ang konstitusyon. Inihayag ng Department of Justice ng bagong administrasyon na magsasampa ito ng apela sa Ninth Circuit ng US Court of Appeals. Mismong si Presidente Trump ay nag-tweet: “The opinion of the so-called judge which essentially takes law-enforcement away from our country is ridiculous. And will be overturned!”
Habang nagaganap ang legal na labanan at constitutional issues na ito sa mga korte sa US, nagbabala naman ang corporate leaders ng bansa sa mga panganib sa ekonomiya na maaaring idulot ng immigration policies ni Trump.
Naghahanda na ang Apple, Amazon, Expedia, at iba pang high-tech firms ng legal na aksiyon laban sa ban. Mula Silicon Valley hanggang Seattle, ang tech firms na umaasa sa high-level talent ng India, East Asia, at sa iba’t ibang bahagi pa ng mundo ay kontra sa immigration ban ni Trump. Mahigit sa kalahati ng biglang umunlad na mga negosyo sa US na tinatayang nagkakahalaga sa mahigit isang bilyong dolyar, ayon sa isang think tank, ay binuo na immigrants ang katuwang, kabilang na ang chief executive ng Microsoft, co-founder ng Google, at ang executive chairman ng Twitter.
Tinitimbang-timbang na rin ng political leaders ng Amerika ang immigration policies ni Trump, kabilang na ang mga miyembro ng Republican Party na kinabibilangan niya. Mahigit 20 Republican members ng Kongreso ang nagsalita kontra sa naturang executive order. Nagsalita si Sen. Mitch McConnell ng Kentucky, top Republican sa Senado, na ang US ay hindi dapat magpatupad ng isang religious test – na ang tinutukoy ay ang pagbabawal sa pitong pangunahing bansang Muslim. Nagpahayag din si Sen. John McCain ng Arizona ng pangamba na ang executive order ay magiging “self-inflicted wound in the fight against terrorism.”
Sa buong mundo, ang immigration ban ni Trump ay may direktang epekto sa pitong bansang tinukoy nito -- Iraq, Syria, Sudan, Iran, Somalia, Libya, at Yemen. Sa pagtatapos ng 90-day temporary ban, pasisimulan ang mas istriktong vetting o pagsusuri sa pagkakakilanlan ng sinumang nais pumasok sa US. May mga pangamba na marami pang bansa ang mapapadagdag sa pito, na nagtulak sa US Department of Homeland Security para itanggi ang mga ulat na mayroong siyam na karagdagan pang bansa sa listahan, na ang isa diumano ay sa “Southern Philippines.”
Hindi natin inaasahan na mapapabilang sa immigration ban ang Pilipinas, pero kapag sinimulan na ang mas istriktong “vetting process”, tiyak na maaapektuhan ang libu-libong mga Pilipino na walang kaukulang dokumento ang pamamalagi sa Amerika. Sinabi ni Pangulong Duterte na kapag nangyari ito, ang mga tinatawag na TNT o “tago nang tago” – ang mga Pilipinong ito sa US ay makabubuting umuwi na lamang dahil hindi niya matutulungan ang mga ito.
Sa ngayon, nakasubaybay ang buong mundo sa kahihinatnan ng immigration issue sa US courts. Magkakaroon ito ng epekto sa ekonomiya dahil ang maraming kumpanya sa US – at maging ang mga grupo sa sports – ay umaasa sa kahusayan at talino ng mga dayuhan. Mayroon itong malalim na implikasyon sa pulitika, dahil magiging isyu ito sa susunod na American congressional, senatorial, at local elections pagkaraan ng tatlong taon.
At maaapektuhan nito ang maraming Pilipino, hindi lamang ang mga TNT ngayon sa US kundi maging ang mga umaasa sa liderato ng US sa pagtulong sa refugees, na nagpasimula – at nagpapatuloy, habang may mga kaguluhang nagaganap sa mundo – bilang kanlungan ng mga inuusig na takas o refugees.