SUMISIGAW ng katarungan ang mga pamilya ng mga biktima ng Special Action Force (SAF) 44 na isinubo ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa bunganga ng apoy.

Ngayon na ang takdang panahon upang muling buksan ang bagong pagdinig sa Senado at Mababang Kapulungan sa ilalim ng seryosong hangarin ng Pamahalaang Duterte na papanagutin ang mga opisyal at pulitiko na walang budhing nagplano, nagpatupad, at tumalikod sa ilang pagkakataong nanawagan ang SAF 44 na magpadala ng dagdag na tropa habang nagaganap ang “pintakasi” na umabot sa isa-isang pagpatay sa kanila— na nag-viral sa Internet.

Ipa-subpoena sa “hearing” ang pangunahing mga pangalan, kasama si dating PNP Chief Alan Purisima, ang “dalawang babaeng dragon”na sina Miriam Coronel-Ferrer at Teresa Ging Deles, at si Ex-PNoy. Habang sa Sangay Ehekutibo, marapat na utusan ni Digong ang PNP at AFP na ilabas lahat ng dokumento nito, at isiwalat ang buong nalalaman tungkol sa Mamasapano.

Wika nga ay, “laglagan time na”. Malaking bentahe rin ang pagtatatag ng tinaguriang “Truth Commission” ng Palasyo upang makipagtulungan, at makipagpalitan ng nakalap na impormasyon ang dalawang panig ng gobyerno.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Una nang nagsalita si dating Senate President Juan Ponce Enrile (JPE) na handa siya, kung ituturo ni Digong, na habulin lahat ng may sala. Sang-ayon ako rito, dahil si JPE dating Secretary of Justice, Defense, at mambabatas pa.

Habang nagaganap ang turuan sa pagitan nina Getulio Napeñas at Ex-PNoy sa kung sino ang dapat bitayin sa Plaza Miranda dahil sa kapalpakan, lumalabas na sa pahayagan ang ilan sa mga dati ko nang inilathala, halimbawa, na may kinalaman ang mga Amerikano; na may helicopter na naka istambay; bakit nandoon si Noynoy at nakikinig sa operasyon?

atbp.

Kahit pa makailang beses sabihin ni Noynoy na sinabihan niya si Napeñas na ipaalam sa AFP ang tungkol sa lakad sa Mamasapano, mas kapani-paniwala si Napeñas na si Noynoy ang puno’t dulo ng massacre.

Simpleng tanong : Sino ba ang may kapangyarihang lumaktaw ng proseso at bulagin ang Kalihim ng DILG na si Mar Roxas, at PNP OIC Leandro Espina sa Mamasapano Operation? Sino ang may utos na si Alan Purisima ang ipatawag at makisawsaw sa nasabing SAF operation? Sino lang ang may awtoridad na mag-apruba sa malakihang pagkilos at pagpondo ng iba’t ibang yunit ng PNP? Kayo na sumagot. (Erik Espina)