Ilalabas na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang benepisyo para sa pamilya ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na namatay sa sunog sa kanilang tinutuluyang bahay sa Sultanate of Oman nitong Pebrero 4, 2017.

Inatasan ni Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre H. Bello lll si OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac na bilisan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga naulilang pamilya nina Susan Padojinog at Emilia Bobo, kapwa hairstylist sa Golden Coast Trading.

Ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), ipinabatid na sa pamilya ng mga biktima – isang nagmula sa South Cotabato at isang taga-Quezon – ang kanilang sinapit.

May 22 manggagawa, kabilang ang 15 Pilipino, ang nakatira sa bahay nang mangyari ang sunog.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni OWWA Officer-in-Charge Josefino I. Torres na hinihintay na lamang nila ang abiso para sa repatriation ng mga labi ng dalawang namatay na OFW at ang kahilingang pagpapauwi sa mga nakaligtas sa sunog.

Tatanggap ang pamilya nina Padojinog at Bobo ng P200,000 death benefits due to accident; P20,000 burial benefits, psycho-social counseling, scholarship at livelihood components ng Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) tulad ng livelihood package na P15,000 para sa maliit na negosyo at educational assistance para sa isang benepisyaryo ng OFW mula sa elementary, high school o college.

Ang mga OFW ay saklaw din ng mandatory insurance ng kanilang recruitment/manning agencies. (Bella Gamotea)