Naniniwala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na may malaking mensahe para sa mga Pilipino ang beatification o pagdeklarang banal sa Japanese martyr na si Justo Takayama Ukon na namatay sa Maynila noong Pebrero 4, 1615.

Dumalo si Tagle sa beatification ni Ukon sa Japan nitong Martes bilang kinatawan ng Archdiocese of Manila.

Ayon sa Cardinal, nakilalang martir ng pananampalatayang Katoliko si Ukon at mayroon pang estatwa sa Plaza Dilao, Paco, Maynila. Ang beatification nito ay mensahe ng “communion and solidarity” sa mga Katolikong Pilipino na isang Japanese ang naging martir sa Pilipinas habang ang Pilipinong santo na si San Lorenzo Ruiz ay namatay naman sa Japan.

“He died as a martyr. A Japanese who died in Manila. Our Lorenzo Ruiz died in Japan. Communion and solidarity in witness to Jesus,” anang Cardinal.

Internasyonal

1 sa 3 college students, nagse-cellphone habang nakikipagbembangan—survey

Nabatid na si Ukon Takayama ay parang isang refugee na mainit na tinanggap ng mga Pilipino bilang saksi kay Jesus.

“Sa pagtanggap natin sa mga dukha, refugee at inaalipusta, baka isang martir o santo ang dumarating. Huwag natin silang itataboy,” dagdag pa ng Cardinal.

Ipinanganak noong 1552, si Ukon ay nabinyagang Katoliko sa edad na 12 sa panahon ng Tokugawa Feudal government sa Japan na ipinagbawal ang pagiging Katoliko. Dahil sa kanyang paninindigan sa kanyang pananampalataya bilang Katoliko, inalisan siya ng posisyon, sinamsan ang kanyang mga ari-arian at ipinatapon siya sa labas ng Japan. Kasama ang 300 pang Japanese ay naglakbay sila patungo sa Pilipinas. Ngunit makalipas ang 40 araw simula nang damating siya sa Maynila, pumanaw si Ukon dahil sa karamdaman.

Makalipas ang 400-taon ng kanyang kamatayan ay inaprubahan ni Pope Francis ang beatification ni Ukon, na nagtatag ng seminaryo sa Takatsuki at Osaka na naging dahilan ng paglago ng bilang ng mga Katoliko sa Japan. Kasama sa kanyang mga naturuan ng katekismo ang martir na St. Paul Mikki, na isang Jesuit. (Mary Ann Santiago)