OTTAWA (AFP) – Tiniis ng 22 migrante na tumakas sa United States ang matinding lamig para marating ang hangganan ng Canada at maging refugee sa katabing bansa noong weekend, sinabi ng pulisya nitong Martes.
Karamihan sa kanila ay nagmula sa Somalia at sinuong ang mahaba at mapanganib na paglalakbay patungo sa United States, para matakasan ang digmaan sa kanilang lugar. Ngunit dahil sa pangamba sa kautusan ni US President Donald Trump na itigil ang pagtanggap ng refugees, ay sinikap nilang makatawid sa Canada.
Pagdating sa Canada tumawag ang grupo sa federal police para humingi ng tulong , at dinala sila sa border outpost sa Emerson, Manitoba.
‘’They usually call us if they’re cold or lost, and we find them on the side of the highway,’’ sabi ni RCMP Corporal Paul Manaigre, idinagdag na ‘’one or two lost fingers to frostbite in December.’’
Dumating ang grupo ng 19 noong Sabado at tatlo pa noong Linggo. Tiniis nila ang snow at temperaturang bumagsak sa below -20 degrees C (-4 F) sa loob ng limang oras na paglalakad.