Aabot sa 21 katao ang sugatan, kabilang ang 16 na bumbero, habang nasa 1,000 bahay ang naabo sa 10 oras na sunog sa Parola Compound sa Tondo, Maynila kahapon.
Ayon sa Manila Fire Department, aabot sa 3,000 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa sunog na umano’y nagsimula sa tahanan ng isang “Lola Adan” sa Area B, Gate 10, Parola Compound, Tondo, Manila, dakong 9:41 ng gabi nitong Martes at tuluyang naapula dakong 7:25 ng umaga kahapon.
Ayon kay Police Chief Insp. Marvin Carbonel, Bureau of Fire Protection-Manila fire marshall, umabot sa Task Force Delta ang sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay na pawang yari sa light materials.
Nahirapan din umano ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa matinding trapik at hindi makalabas at makapasok nang maayos ang mga truck ng bumbero at kinapos din sa tubig.
Tinatayang P6 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Habang isinusalat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. (MARY ANN SANTIAGO)