Pinayagan ng Sandiganbayan First Division si dating senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na muling mabisita ang kanyang may sakit na ama na si Ramon Revilla Sr., sa ikatlong pagkakataon simula noong Disyembre “for humanitarian considerations.”
Si Revilla Sr. ay nasuring may “severe arotic stenosis” at pinayuhang sumailalim sa “transarterial aortic valve replacement” ngayong araw. Isasagawa ang operasyon dakong 9:00 ng umaga.
Sa kanyang urgent motion, humiling ang batang Revilla ng “kind consideration and compassion” na payagan siyang muling mabisita ang may sakit na ama at mabantayan ito habang inooperahan. Idiniin ni Revilla na siya ay “deeply worried” sa kalagayan ng ama.
Umaasa siyang papayagan ng korte na makapunta sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City mula 6:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ngayon, at sa Pebrero 9 mula 2:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi.
Pinayagan siya ng korte na mabisita ang kanyang ama ngayong araw mula 7:00 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga, at muli sa Pebrero 9 mula sa 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi. (Czarina Nicole O. Ong)