NAISUOT ni one-time IBF Pan Pacific 112 lbs. title holder Ryan Rey Ponteras ang Philippine flyweight crown matapos talunin sa 12-round majority decision ang dating kampeong si Felipe Cagubcob Jr., nitong Linggo sa LDB Sports Arena, Mangilag Sur, Candelaria, Quezon.

Maaksiyon ang palitan ng suntok nina Ponteras at Cagubcob, ngunit nanaig ang 27-anyos na tubong Panabo City, Davao del Norte sa iskor ng mga hurado para itala ang ikaanim na sunod na panalo, tampok ang tatlong knockout.

Kapwa umiskor para kay Ponteras sina judge Jerrold Tomeldan at Elmo Coloma sa 116-112, samantalang tabla ang ibinigay ni Randy Caluag sa 115-115.

Natikman ni Cagubcob ang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang nakaririnding knockout sa ikaapat na round kontra OPBF flyweight champion Daigo Higa ng Japan noong Nobyembre sa Korakuen Hall sa Tokyo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napaganda ni Ponteras ang kanyang rekord sa 19-11-1, samantalang si Cagubcob ay bumagsak sa 6-4-5.

Sa undercard ng laban, nasilat ni JC Francisco sa 10-round unanimous decision si three-time world title challenger Rommel Asenjo at dinaig ni Al Toyogon sa 6-round unanimous decision si Dexter Eraya na bumagsak sa 2nd round.