Hinimok ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang mga political consultant ng National Democratic Front (NDF) na nakakalaya dahil sa piyansa na kusang sumuko at bumalik sa kustodiya ng gobyerno matapos kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks.

Ayon kay Aguirre, dapat tapatan ng NDF ang good faith na ipinakita ng administrasyong Duterte nang payagan nitong makalaya ang mga nakakulong na consultants para makasali sa mga negosasyon.

Kaugnay naman sa plano ng NDF na hilingin sa mga hukuman ang pagpapalawig sa bisa ng piyansa para sa kanilang mga kasamahan sa peace talks, sinabi ni Aguirre na bahala na ang korte na magpasya tungkol dito.

Ngayong Pebrero magpapaso ang anim na buwang ibinigay ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusadong miyembro ng NDF peace panel.

Matapos bantaang ibabala sa kanyon vs. China: PCG spox Tarriela, bumwelta kay Rep. Marcoleta

Sa isang pahayag, sinabi ng NDF na ang lahat ng kanilang consultants na umalis noong Enero 14 hanggang 18 ay sabay-sabay na nagbalik sa bansa nitong Enero 31. Idiniin ng grupo na hindi nagtatago ang mga ito.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umuwi na sa bansa ang pito sa 14 peace negotiator ng NDF mula Rome, Italy kung saan ginanap ang huling serye ng mga negosasyon ng gobyerno at mga komunistang rebelde.

Ayon sa mga opisyal ng BI na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang mga umuwing rebelde ay ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, Alfredo Mapano, Tirso Alcantara, Pedro Codaste at Alan Jazminez.

Samantala, walang record sa BI kung ang pitong iba pa ay umalis ng bansa para sa mga pag-uusap sa Rome, o gumamit ng ibang pangalan sa pagbiyahe palabas at pabalik ng bansa.

Ang mga ito ay sina Concha Araneta Bocala, Ernesto Lorenza, Eduardo Genelsa, Ariel Arbitrario, Runel Saluta, Jaime Solidad, Keneddy Bangibang.

Naaresto si Arbitrario ng mga sundalo ng Task Force Davao ng Army nitong nakaraang dalawang araw.

Iniutos ni Pangulong Duterte kay PNP chief Ronald dela Rosa na arestuhin ang peace negotiators matapos nitong wakasan ang mga usapang pangkapayapaan bilang protesta sa pagpaslang ng mga rebelde sa ilang sundalo sa Mindanao habang nagaganap ang mga negosasyon.

Inatasan naman ni Dela Rosa ang Criminal Investigation and Detection Group na makipag-ugnayan sa BI kaugnay sa kinaroroonan ng mga komunistang peace negotiators upang maaresto sila sa kanilang pagdating.

(Beth Camia at Jun Ramirez)