DALLAS (AP) — Tamang player, sa tamang pagkakataon si C.J. McCollum.
Kargado ang opensa tungo sa 32 puntos, tinampukan ni McCollum ang impresibong laro sa naisalpak na running jumper may 0.9 segundo para sandigan ang Portland TrailBlazers sa makapigil-hiningang 114-113 panalo kontra Mavericks nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Nagpalitan ng bentahe ang magkabilang panig nang anim na ulit sa huling isang minuto, tampok ang dalawang three-pointer ni Dirk Nowitzki, kabilang ang potensyal na game-winner may 3.9 segundo sa laro.
Ngunit, nagawang makalusot ni McCollum mula sa inbound sa mahigpit na depensa ng Mavs para maagaw ang panalo laban sa koponan na karibal nila para sa ikawalo at huling puwesto sa Western Conference.
Kumubra si Damian Lillard ng 29 puntos para sa Blazers.
Nanguna sa Dallas si Harrison Barnes na may 26 puntos, habang kumana si Nowitzki ng 25 puntos.
HORNETS 111, NETS 107
Sa Charlotte, North Carolina, tumipa ng tig-17 puntos sina Kemba Walker, Nicolas Batum at Marco Belinelli sa panalo ng Hornets kontra Brooklyn Nets at tuldukan ang seven-game losing skid.
Ito ang unang panalo ng Charlotte (24-28) mula nitong Enero 21 laban din sa Brooklyn. Sa pagkakataong ito, balanse ang opensa ng Hornets kung saan umiskor ng double digit ang pitong player na ipinasok para maitarak ang bentahe sa umabot sa 17 puntos sa second quarter.
Nanguna sa Brooklyn (9-43), natamo ang ika-10 sunod na kabiguan, sina Bojan Bogdanovic na may 22 puntos at Brook Lopez na tumipa ng 20 puntos.
ROCKETS 128, MAGIC 104
Sa Houston, kumubra si James Harden ng 25 puntos at 13 assist sa panalo ng Rockets kontra Magic.
Nahila ng Rockets ang bentahe sa 23 puntos bago nagsagawa ng paghahabol ang Magic para maibaba ang abante sa siyam na puntos sa kalagitnaan ng final period. Nakamit ng Houston ang ikalawang sunod na panalo at ika-10 sa huling 13 laro.
Nanguna si Serge Ibaka sa Magic sa nakubrang 28 puntos, habang umiskor si Evan Fournier ng 21 puntos.