PALALAWAKIN ng Department of Agriculture-Region 11 ang pagsisikap nito upang itaguyod ang pagtatanim ng mga gulay, mula sa mga paaralan hanggang sa mga kampo ng militar.

Nagkasundo sina Department of Agriculture-Region 11 OIC Director Engr. Ricardo Oñate, Jr. at ang mga opisyal ng militar sa rehiyon ng Davao na makibahagi sa proyektong “Gulayan sa Kampo” para gawing vegetable garden ang mga lupang nakatiwangwang lang sa mga kampo ng militar.

Itinulad sa “Gulayan sa Paaralan”, inihayag ni Oñate na ang pagkakaroon ng “Gulayan sa Kampo” ay makapagbibigay ng pagkain sa mga sundalo, gayundin para sa supplementary feeding sa mga komunidad.

“Ituturo natin sa ating mga sundalo ang mga teknolohiya sa pagtatanim ng gulay at itatampok ang kanilang mga gulayan upang himukin ang mga kalapit na komunidad na magsipagtanim na rin ng mga gulay,” sabi ni Oñate.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Lumahok na ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Infantry Battalion (IB) ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Philippine Army sa rehiyon ng Davao sa orientation at hands-on training sa pagtatanim at pag-aalaga ng gulay na isinagawa sa tanggapan ng Department of Agriculture-Region 11.

Sinubukan na ng mga miyembro ng Sandatahang Lakas ang pagsasako ng lupa (vermicast, garden soil, at burned rice hull) bilang bahagi ng hands-on training at field tour sa taniman ng gulay ng City Agriculture Office sa Tagum City, Davao del Norte.

Binigyan din sila ng supot ng mga punla ng Department of Agriculture-Region 11 bilang kanilang panimula sa pagkakaroon ng Gulayan sa Kampo.

Sinabi ni Private First Class Mariano Mique, Jr., ng 3rd Infantry Battalion sa Malagos, Davao City, na makakatulong ang proyekto para matutunan nila ang mga inirekomendang teknolohiya sa pagtatanim at pagpapalago ng mga gulay.

“Maaari rin naming maibahagi ang mga kaalamang ito sa mga kalapit na komunidad. Sa pamamagitan nito, maipakikita naming sa kanila na taos sa aming loob ang pagtulong sa kanila,” sabi ni Mique.

Sa pagsasakatuparan ng proyekto, maghahanap din ang Department of Agriculture ng Best Camp Garden sa Region 11. (PNA)