Nagbanta kahapon ang transport group na Stop and Go Coalition ng panibago at mas malawak na tigil-pasada sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya matapos maparalisa ang biyahe sa mga kalsada at ma-stranded ang libu-libong pasahero sa ikinasang transport strike nitong Lunes.
Dahil sa nakaambang panibagong strike, nagmistulang malabnaw ang binitiwang banta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pananagutin ang mga driver at operator na nakiisa sa tigil-pasada nitong Lunes.
Kasunod ng banta ng LTFRB, nagdesisyon ang ahensiya na itaas sa P8.00 ang minimum na pasahe sa jeep, na magiging epektibo makalipas ang 15 araw, mula sa kasalukuyang P7.00.
Samantala, humingi ng paumanhin ang mga transport group sa mga maaapektuhang pasahero sa susunod na malawakang tigil-pasada. (Bella Gamotea)