MAHIGIT 50 taon nang naghihirap ang ating bansa dulot ng urong-sulong na usapang pangkatahimikan na tila hindi naman siniseryoso ng magkabilang panig – mga militar at rebeldeng grupo – na kapwa nagpapataasan ng ihi sa paggigiit ng kani-kanilang kondisyon at panukala, na sa halip na makatulong ay lalong nagtataboy sa dati nang napakailap na kapayapaan sa ating bayan.

Patuloy ang pagmamatigasan ng mga pinuno ng magkabilang panig habang nakamasid lamang sa kanila at naghihintay ang nasa IBABA na tagasunod at tagapagpatupad ng mga napapagkasunduan ng mga nasa ITAAS. Ang mga nasa IBABA ang unang NAGDURUSA sa mga makasariling desisyon na ibinabato sa kanila upang kara-karakang ipinatutupad – gaya ng pag-atake, pag-ambush, pagdukot at pagpatay sa mga kababayan nilang kaiba sa kanila ang pananalig at ipinaglalaban.

Nakapanghihinayang ang mga buhay ng kababayan nating nabubuwis para lamang makamtan natin ang katahimikang magiging tulay upang makatawid at makausad tungo sa pag-unlad ang ating bansa, na sobrang napag-iwanan na ng mga kapitbansang dati namang nakabuntot lamang sa ating noo’y napakasiglang ekonomiya.

Sayang ang bilyong halagang natutunaw lamang sa pakikipagbakbakan sa kapwa nating Pilipino na dapat sana’y pinakikinabangan ng mga magsasaka sa paglinang sa mga nakatiwangwang nating yamang lupain at mga manggagawang alipin naman sa pabrika ng mga banyaga sa ating bansa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang nakapagpapantig ng tenga rito, ang malaking parte ng pondong pangsuporta sa mga laban ng militar ay napupunta lamang sa bulsa ng kanilang mga ganid na opisyales na nagpapayaman habang nagpapasasa naman ang kanilang pamilya sa nakaw na grasyang ito, samantalang ang mga tauhang sundalo ay nagtitiis sa hirap, pagod at gutom habang pinapapak ng lamok sa masukal na bahagi ng ating mga bundok.

Marami rin akong nasamahang mga operasyon ng pulis laban sa mga lideratong tinitingala sa grupo ng mga rebelde at karamihan sa mga nahuli sa kanila ay sa eksklusibong subdibisyon nakatira. Ang kanilang mga anak ay sa mga eksklusibong paaralan nag-aaral – taliwas sa nakakaiyak ding kalagayan ng mga partisanong nakikipaglaban... sa bundok, na nagdidildil ng kanin at asin, nagtitiis na pinapapak ng mga lamok sa mga liblib na kanayunan, habang nakikipaglaro ng “taguan-pung” sa mga militar.

Isa kaya ito sa mga dahilan kaya’t palagi na lamang nabubulilyaso ang usapang pangkapayapaan – mga personal na interest na pinoprotektahan ng mga nasa ITAAS na kabahagi sa mga pag-uusap, para tuluy-tuloy pa rin ang ligayang kanilang tinatamasa galing sa malaking bahagi ng bilyones na pondong inilalaan mula sa kaban ng bayan para sa digmaang ito na wala talagang katapusan hanggang may mga nasa ITAAS ng lipunan na ang iniisip palagi ay ang kanilang sariling kapakanan at pangalawa lamang ang para sa Inang Bayan?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)