NATUKOY sa opinion survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan ang mga resulta na hindi lamang nakatutuwang malaman kundi naglalatag din ng isang malaking hamon.
Sa survey nito para sa huling tatlong buwan ng 2016 noong Disyembre 3-6, iniulat ng SWS na nasa pinakamababa sa kasaysayan na 4.9 na porsiyento ng mga sinarbey — katumbas ng 3.1 milyong pamilya — ang nag-ulat na nabiktima sila ng krimen. Mas mababa ito sa 6.8 porsiyentong natukoy sa survey noong Setyembre 2016 — nasa 4.2 milyong pamilya.
Buong lugod na tinanggap ng Presidential Communication Office ang resulta ng survey na nagsasabing kumaunti ang mga nabiktima ng krimen sa nakalipas na mga buwan. Isa itong pahiwatig na nagtatagumpay ang administrasyong Duterte sa kampanya nito laban sa kriminalidad at ilegal na droga, ayon kay Secretary Martin Andanar.
Gayunman, natukoy din sa kaparehong survey na mas maraming tao ang nangangamba ngayon na bigla na lang lolooban ng mga magnanakaw ang kanilang mga bahay at nababahalang pagnanakawan sila sa gabi. Tumaas ang bilang na ito, mula sa 62 porsiyento noong Setyembre ay naging 63 porsiyento nitong Disyembre. Ang mga naniniwala namang hindi ligtas ang paggala sa mga lansangan sa gabi ay tumaas, mula sa 53 porsiyento ay naging 54 na porsiyento.
Totoong maliliit lamang ang mga pagtaas na ito, ngunit ang mahalaga ay nagkaroon ng pagtaas. Hindi pa rin napapawi ang takot. Nanatiling pangamba ng marami ang krimen sa loob ng mga bahay at sa lansangan.
Nakalulungkot namang tumindi ang mga pangambang ito sa panahong nasa gitna ng eskandalo ang Philippine National Police (PNP), ang pangunahing ahensiya ng gobyerno na nangangasiwa sa pagresolba sa mga krimen. Sa nakalipas na anim na buwan, pinangunahan ng PNP ang kampanya laban sa droga sa bansa, hanggang sa tanggalan sila noong nakaraang linggo ni Pangulong Duterte — sa matinding galit sa pagkakasangkot ng ilang opisyal ng PNP sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng South Korean — ng kapangyarihang pangunahan ang kampanya laban sa droga. Ipinaubaya na ang tungkulin sa Philippine Drug Enforcement Authority, katuwang ang militar. Samantala, sasailalim naman ang PNP sa masusing balasahan at lilinisin sa mga tiwali.
Hindi nakatutuwang isipin na ang ginawa ng iilan sa PNP ay labis na nakasira sa imahen ng buong organisasyon na itinuturing ng Konstitusyon na puwersa ng pulisya na “national in scope and civilian in character.”
Kasabay ng paglilinis sa hanay ng mga pulis, dapat na magsagawa ang PNP ng espesyal na kampanya laban sa krimen sa loob ng mga bahay at sa mga lansangan. Makikita sa magiging resulta ng mga susunod na SWS survey kung naging matagumpay ito sa misyon laban sa kriminalidad, na sa totoo lang ay pangunahing tungkulin nito.