BUTUAN CITY – Dalawang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Agusan del Sur ang inaresto sa magkasanib na operasyon ng pulisya at militar sa pantalan sa Ozamis City nitong weekend.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nadakip na si Lito Elmedolan, alyas “Ka Ondoy”; at asawa nitong si Maria Bella Elmedolan, kapwa residente ng Prosperidad, Agusan del Sur.

Ayon sa Misamis Occidental Police Provincial Office (PPO) Intelligence Service at Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mag-asawa ay mga miyembro ng technical ordnance committee at finance committee, ayon sa pagkakasunod, ng CPP-NPA Komisyon Mindanao (KOMID).

Naaresto ang mag-asawa dakong 3:45 ng hapon nitong Sabado sa bisa ng arrest warrant para sa multiple attempted murder mula sa korte sa Prosperidad, ayon sa police report.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Matapos maaresto sa pantalan, kaagad na dinala ang mag-asawa sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Prosperidad nitong Lunes para sa kaukulang disposisyon, ayon sa pulisya. (Mike U. Crismundo)