NANALO ang Australian pop singer na si Kylie Minogue sa legal battle laban sa reality star na si Kylie Jenner tungkol sa trademark sa pagkakapareho ng kanilang pangalan.
Nag-file ang Keeping Up With the Kardashians star upang ipa-trademark ang kanyang pangalan para sa “advertising services” at “endorsement services.”
Bilang tugon, nagsampa rin ang grupo ni Kylie Minogue ng notice of opposition na binabanggit ang posibleng pagkalito at pagkasira niya at ng kanyang brand, dahil si Minogue ay “internationally renowned performing artist, humanitarian, and breast cancer activist” na kilala bilang “Kylie” bago pa man ipanganak si Kylie Jenner.
Sa filing, tinawag ng KDB, Australian-based business na kumakatawan kay Minoque, si Jenner bilang “home-schooled,” “secondary reality television personality” na ang “photographic exhibitionism” ay nagpapasimula ng kritisismo sa social media.
Hindi tinanggap ng U.S. Patent and Trademark Office ang kahilingan ni Jenner, ngunit pinaplano na nito na umapela para magamit niyang brand name ang “Kylie” sa kanyang fashion at beauty lines. (Yahoo Celebrity)