Masaklap ang sinapit ng isang babae na dinukot, pinainom ng droga, at binugbog bago tuluyang ginahasa sa loob ng isang sasakyan sa Makati City at saka iniwan malapit sa isang bangko sa Pasay City kamakailan, iniulat kahapon ng Southern Police District (SPD).

Sa kabila ng matinding trauma, nagpasyang magtungo sa tanggapan ng Makati City Police ang biktima, 44, travel agency consultant, at nakatira sa Barangay San Isidro, Makati City, upang ireklamo ang naranasang pang-aabuso.

Ayon sa biktima, sa pagitan ng 4:00 ng hapon noong Pebrero 4 hanggang 5:00 ng madaling araw ng Pebrero 5 isinagawa ang pagdukot at pang-aabuso sa panulukan ng Wilson Street, Bgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Nakatayo umano ang biktima sa nasabing lugar habang naghihintay ng masasakyan nang biglang huminto sa kanyang harapan ang isang Toyota Vios o Corolla na kinalululanan ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek.

Matapos bantaang ibabala sa kanyon vs. China: PCG spox Tarriela, bumwelta kay Rep. Marcoleta

Isa sa mga suspek na katabi ng driver ang nagtanong umano sa biktima kung kilala nito ang isang Arthur Pastrana na sinagot ng ginang na mister niya ito.

Dito na umano puwersahang hinatak ng dalawang suspek ang biktima at sapilitang isinakay sa kotse, piniringan, pinalunok ng isang pirasong bakal na inilarawan ng biktima na “intoxicated drug”.

Ayon pa sa ginang, naghubad ng pang-itaas ang katabi niyang suspek at sinimulan siyang gulpihin, pasuin ng sigarilyo at hinalay.

Pagkatapos nito, dakong 5:30 ng madaling araw, ibinaba at iniwan umano siya malapit sa Philtrust bank sa Pasay City.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. (BELLA GAMOTEA)