Nagpapahayag lamang ng opinyon ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at hindi namumulitika sa inilabas na pastoral letter sa isyu ng extrajudicial killings sa bansa.
“Kung mayroong mga nangyayaring patayan sa lipunan, may nangyayari na base sa pananaw ng Simbahan, base sa kanyang katuruan, ay hindi umaayon, siyempre bilang isang stakeholder, magsasalita ang Simbahan,” paglilinaw ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), sa isang panayam sa telebisyon kahapon.
Iginiit ni Secillano na nais lamang nilang magbigay ng ibang pananaw, na sa palagay nila ay makakatulong din sa lipunan.
Sinabi naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na layunin ng pastoral letter na gisingin ang mga Katoliko na posibleng nalilihis na sa wastong pag-uugali.
“This is educating the people about values... don’t lose those values. The values of life, innocence until guilt is proven and that end does not justify the means,” ani Pabillo. “Ito ay panawagan sa lahat ng Katoliko.”
(Mary Ann Santiago)