Mariing kinondena ng pamunuan ng Manila Police District Press Corps (MPDPC) ang umano’y pangha-harass at pananakit ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa ilang miyembro ng media na nagko-cover sa pag-abot ng liham ng grupong SELDA at Hustisya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, kahapon ng umaga.
Ayon kay Mer Layson, pangulo ng MPDPC, hindi maituturing na banta sa seguridad ang mga lehitimong mamamahayag na tulad nina Michael Goyagoy ng DZXL, Dennis Datu ng DZMM at Aya Yupangco ng DWIZ na pigilan umano ng mga miyembro ng PSG na makapag-cover sa bahagi ng Gate 2 ng Malacañang.
Hindi rin makatwiran, aniya, ang tangkang pagkuha ng mga PSG sa mga gamit ng mga mamamahayag tulad ng cell phone at mga identification (ID) card nang makunan ang pagladlad ng mensahe ng Selda at Hustisya na humihiling na ituloy ang usapang pangkapayapaan.
Sa reklamo ni Goyagoy, kinalawit siya ng isa sa mga miyembro ng PSG at halos masakal dahil sa higpit ng pagkakahawak sa kanya.
Ayon naman sa PSG, mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagkuha ng litrato at video sa loob ng Malacañang.
(Mary Ann Santiago at Beth Camia)