Mananagot na ang mga employer na nagsasantabi sa empleyado batay sa edad matapos ilabas ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang implementing rules and regulation (IRR) ng Republic Act 10911 o mas kilala bilang “Anti-Age Discrimination in Employment Act.”

Sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na sa ilalim nito, ang magkakasalang kumpanya ay magmumulta ng hindi bababa sa P50,000, ngunit hindi lalagpas sa P500,000.

Maaari rin silang maharap sa posibleng pagkakakulong ng hindi bababa sa tatlong buwan, ngunit hindi lalagpas sa dalawang taon.

“This rule shall take effect 15 days after its publication in a newspaper of general circulation,” sabi ni Bello tungkol sa Department Order (DO) No. 170, Series of 2017 na may petsang Pebrero 3, 2017.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sa ilalim ng DO 170, ang mga employer, contractor at subcontractor, ay hindi na pahihintulutang maglathala ng patalastas sa paghahanap ng manggagawa na may nakalagay na pahiwatig ng kanilang nais, limitasyon at diskriminasyon batay sa edad.

Pinagbabawalan din silang obligahin ang pagdedeklara ng edad o petsa ng kapanganakan sa proseso ng aplikasyon at tanggihan ang anumang employment application dahil sa edad ng manggagawa.

Hindi rin maaaring pagbasehan ng employer ang edad ng manggagagawa sa ibibigay na sahod, terms and conditions o prebilehiyo sa trabaho, promosyon, at pagsasanay.

Ipinagbabawal din sa mga employer na puwersahang paalisin o maagang magretiro ang manggagawa dahil sa kanyang edad.

Gayunman, pinahinintulutan pa rin ng DO 170 ang employer na magtakda ng limitasyon sa edad ng manggagawa sa “exceptional instances”, na aaprubahan ng DOLE Regional Offices.

Layunin ng RA 10911 na pigilan ang mga kumpanya na tumangging kumuha ng matatandang manggagawa. (SAMUEL MEDENILLA)