ROSARIO, Cavite – Isa pang pabrika sa Cavite Export Processing Zone Authority (EPZA) ang nasunog kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Cavite Bureau of Fire Protection (BFP)-Central Fire Station at Rosario Fire Station, nasunog ang machine room ng Academy Plastic Model Toy Company, Incorporated sa EPZA Phase II sa bahagi ng Rosario, at kaagad naman itong naapula.
Ayon kay FO1 Reyjan Mendioro, ng Rosario Fire Station, dakong 2:18 ng umaga nang sumiklab ang sunog, na naapula bandang 2:48 ng umaga.
Base sa report, isang makina ng pabrika ang tinupok ng apoy.
Walang napaulat na nasugatan sa 30-minutong sunog, na iniimbestigahan na ngayon ng EPZA Fire Office.
Nangyari ang ikalawang sunog ilang araw makaraang dalawang araw na masunog ang pabrika ng House Technology Industries (HTI) Pte. Ltd. sa General Trias, na ikinasawi ng isang manggagawa at ikinasugat ng 125 na iba pa. (Anthony Giron)