I-save n’yo ang numerong ito: 09989702286.
Dahil ito ang access ng publiko sa hustisya sakaling nabiktima ng pang-aabuso ng mga pulis, o bilang maliit na kontribusyon na rin para ireporma ang Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng pagsusumbong sa kilala n’yong police scalawag.
Pinangunahan kahapon ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang paglulunsad ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) laban sa mga police scalawag matapos na alisin ang pulisya sa kampanya kontra droga ng gobyerno kaugnay ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa kidnap-slay ng Korean na si Jee Ick-joo.
“We are announcing to you the official hotline of CITF so that the public can send their complaints, information and everything relative to erring policemen, especially scalawag,” sabi ni Dela Rosa. “Our focus now is on extortion, abuses, lack of discipline. Please use this number 0998-9702286.”
Matatandaang itinatag ang CITF, na pinamumunuan ni Senior Supt. Chiquito Malayo, bilang bahagi ng atas ni Pangulong Duterte na magsagawa ng internal cleansing sa PNP.
Miyembro ng CITF ang ilang operatiba ng elite Special Action Force (SAF), bukod pa sa mga counter-intelligence operative ng Intelligence Group at mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). (Aaron Recuenco)