SUNUD-SUNOD ang mga tanong namin kay Julia Montes sa one-on-one interview namin sa kanya sa thanksgiving presscon ng Doble Kara tungkol sa kanila ni Coco Martin, at talagang naiipit na rin siyang sumagot dahil plano talaga naming mapaamin na siya.
Iginalang namin ang lahat ng mga isinagot ni Julia, kaya hindi na rin kami nagdetalye pa sa nalalaman namin sa relasyon nila ng bida ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Pero sa Gandang Gabi Vice nitong nakaraang Linggo, natigilan ang dalaga sa pambubuko ni Vice Ganda tungkol sa kanila ni Coco.
Tanong ni Vice kay Julia: “So, hindi pa kayo magdyowa ni Coco?’
Sagot ni Julia: “Hindi... hindi pa.”
Vice: “Sabi ni Coco kayo na raw.”
Halos hindi na makapagsalita si Julia at idinaan na lang sa tawa na hiyang-hiya. Kung puwede lang siguro siyang magtago sa ilalim ng upuan ay ginawa na niya.
Reliable siyempre ang ibinuking na info ni Vice dahil best friends sila ni Coco.
Pero hindi pa tumigil si Vice. At nahuli na si Julia nang tanungin kung papayag siyang may ibang liligawang babae si Coco. Mabilis na sagot ng dalaga, “Siyempre, hindi!”
Kaya inokray-okray ulit siya ni Vice na nagseselos, at mabilis sumagot ang Doble Kara star na masakit daw sa babae kapag pinagsasabay silang ligawan ng lalaki.
Kung wala talaga silang relasyon ni Coco, dapat ang isasagot lang ni Julia, ‘okay lang, hindi ko pa naman siya boyfriend, eh.’ Pero nabitag siya ni Vice, kaya nabigla sa sagot na, ‘siyempre, hindi!”
Saan nahuhuli ang isda, Julia Montes?
Pero sa totoo lang, ang cute ni Julia habang ginigisa ni Vice dahil namumula na at halos hindi na makapagsalita kaya idinaan na lang sa tawa sabay hingi ng saklolo kay Maxine Magalona.
Anyway, panahon pa ng pagsasama nina Coco at Julia sa Wansapanataym: Yamishita’s Treasure noong 2015 nang sulatin namin na magkasintahan na sila, pero hindi talaga nila inaamin.
Sa pagkakaalam din namin, na-develop ang dalaga sa binata noong sinu-shoot nila ang A Moment In Time (2013) sa Amsterdam.
At kaya siguro hindi pa nila maamin ang tunay nilang relasyon dahil limang taon pa ang ipaghihintay ni Coco kay Julia para maging handa na siya upang Mrs. Rodel Luis Nacianceno. (REGGEE BONOAN)