CAMP G. NAKAR, Lucena City – Isang miyembro ng front guerrilla ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa pakikipagsagupaan ng militar sa nasa 20 rebelde sa Sitio Kalibunlibunan, Barangay Pinagturilan sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro, nitong Linggo ng hapon.

Batay sa ulat ng Southern Luzon Command (SolCom), nakipagbakbakan ang 203rd Infantry Brigade ni Col. Antonio Parlade at ang 76th Infantry Battalion sa nasa 20 miyembro ng NPA, at tumagal ito ng 30 minuto hanggang sa umurong ang mga rebelde.

Hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng nasawi, na nakumpiskahan din ng isang .45 caliber pistol at mga magazine at mga bala ng M16 armalite rifle, isang binocular, dalawang improvised explosive device (IED), mga dokumento at personal na mga gamit.

Sinabi ni Major Gil Perez, tagapagsalita ng SolCom, na ipinag-utos ni SolCom chief Lt. Gen. Ferdinand Quidilla ang opensiba ng lahat ng military unit sa Region 4-A laban sa NPA kasunod ng pagbawi ng magkabilang panig sa kani-kanilang unilateral ceasefire. (DANNY J. ESTACIO)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito