BUMAGSAK ang ranggo ng Pilipinas sa hanay ng mga bansa na nagtatamasa ng tunay na demokrasya at kalayaan nitong 2016 o ng tinatawag na “World freedom rankings”. Maaari raw na lalo pa itong sumisid bunga ng libu-libong biktima ng extrajudicial killings (EJKs) kaugnay ng isinusulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na anti-illegal drug war sa hangaring masugpo ang salot na ito at pagsira sa utak ng kabataang Pilipino at ng mamamayan. Layunin niyang malinis ang buong bansa sa bawal na gamot sa pamamagitan ng pagpatay sa mga drug lord, pusher, at user.
Batay sa report ng Freedom House, isang US-based non-government organization (US-NGO) na nakatuon sa pagpapalawig ng demokrasya sa buong mundo, ang Pilipinas ay isa sa 10 bansa na nangangailangan ng “special scrutiny” sapagkat baka ipagpatuloy ni Pangulong Duterte ang kanyang “extreme policies” sa kanyang administrasyon na may pagkatig at suporta ng Kongreso na pawang kaalyado niya.
Bukod sa ‘Pinas, kasama sa listahan ng 10 bansa ang US dahil sa unorthodox style na ipinaiiral ngayon ni US President Donald Trump. Marami ang nangangamba sa papel ng US sa mundo at ang pagtrato niya sa civil liberties ng mga mamamayan. Sa ngayon, umaani ng protesta at pagkagalit ang mga mamamayan ng daigdig dahil sa pagbabawal niyang makapasok sa US ang Syrian refugees, mga immigrant mula sa Iran, Iraq, Libya, Syria, Somalia, Yemen, at Sudan. Galit din ang Mexico sa kanya dahil sa planong pagtatayo ng pader sa border ng US-Mexico at ito pa ang magbabayad sa gastos.
Sa Freedom in the World report 2017 ukol sa mga karapatang pulitikal at civil liberties, inilarawan ang PH bilang “partly free”. Bumagsak ito dahil daw sa “human rights violations of varying impunity”. Kasama rin sa listahan ang China, Ethiopia, Hong Kong, Mozambique, Nicaragua, Poland, South Sudan, Turkey, at Zambia. Batay sa Freedom House annual report, maraming mapaniil na lider sa Asia ang sumupil sa “freedom of speech and assembly” noong 2016 para durugin ang mga kritisismo sa kanilang mga nagawa/nagagawang krimen at pag-abuso.
Saad ng Freedom House: “Sa Pilipinas, nanalo si President Duterte at tumanggap ng malawak na suporta dahil sa kanyang polisiya ng pagsugpo sa suspected drug dealers, pusher, user, na ngayon ay may 6,000 biktima na”. Dagdag pa: “Inamin ni Duterte na siya mismo ang bumaril sa mga pinaghihinalaang kriminal noong siya ang mayor ng Davao City. Dahil sa kanyang agresibong banta laban sa mga kritiko, lumikha ito ng klima ng takot sa hanay ng mga aktibista sa bansa.”
Pinigil ngCommission on Appointments ang kumpirmasyon ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II na minsan ay tumawag kay Sen. Antonio Trillanes IV bilang “Gagong senador” at “Sundalong Kanin”. Sa pagdinig sa Senado, lumusot naman sina Trade Sec. Ramon Lopez at Agriculture Sec. Manny Piñol. Naniniwala si Trillanes na hindi angkop maupo si Aguirre bilang Kalihim dahil sa pagiging “vindictive, vengeful and completely lacks equanimity for him to be entrusted with the power and authority of justice chief.”
Nagtatanong din ang mga tao kung ano na ang nangyari sa “hinakot” ni Aguirre na convicted felons at drug lords mula sa New Bilibid Prisons (NBP) noon para tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima sa House committee on justice. Maging ang mga kamag-anak ng ex-GF ko sa US ay naniniwalang may sala si De Lima sa alegasyong kumulekta siya ng drug money mula sa mga drug lord doon dahil siya ang DoJ secretary para gamitin sa kampanya sa 2016 election. Sabi ko, normal lang na asahan sa mga convicted felons at drug lords na idiin si Leila sapagkat kaya nga sila “hinakot” mula sa NBP ay para.. sabihing siya ang Reyna ng Drug Money sa kulungan. Imposible namang papabor sila kay Sen. Leila.
Ang mga kamag-anak ng Mrs. ko ay pawang Marcos loyalist na hanggang ngayon ay naniniwalang walang sala si ex-Pres. Marcos nang ideklara ang martial law, nakawin ang kaban ng bayan, sinupil ang demokrasya, isinara ang Kongreso, ikinandado ang media officers, at ginawang tuta ang Supreme Court. Kung ang katwiran nila ay tiyak na alam ni De Lima ang illegal drug trade sa NBP dahil siya ang Kalihim noon, eh bakit hindi naman sila maniwala sa katampalasanang ginawa ng diktador na siyang matagal nang nakaupo sa puwesto noon? (Bert de Guzman)