WASHINGTON (AP) — Malayo pa ang playoff, ngunit mistulang ‘do-or-die’ ang kapaligiran sa duwelo sa pagitan ng Wizards at Cleveland Cavaliers nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nagsalansan ng 23 puntos si Kyrie Irving, tampok ang 11 sa overtime kabilang ang tiebreaking three-pointer may 35 segundo ang nalalabi kung saan binalikat niya ang ratsada ng Cavaliers tungo sa 140-135 panalo.

Dumadagundong ang Verizon Center sa hiyawan ng sellout crowd, higit sa tagpong nagmintis si LeBron James sa gimme lay-up sa kaagahan ng final period. Ngunit, sa krusyal na sandali, naisalpak ng four-time MVP ang pahirapang step-back jumper may 0.3 segundo sa regulation para maipuwersa ang overtime.

Hindi nagtagal si James sa extra period at na-fouled out, subalit handa si Irving na dalhin ang Cavs at sandigan tungo sa tagumpay. Kumubra si james ng 32 puntos at career-high 17 assist, habang kumana si Kevin Love ng 39 puntos at 12 rebound para sa Eastern Conference leader at tuldukan ang dominanteng 17-game winning streaks ng Wizards sa home cort.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si Bradley na may 41 puntos at walong assist para sa Wizards, natuldukan din ang seven-game winning streak.

HEAT 115, TIMBERWOLVES 113

Sa Minneapolis, hataw si Goran Dragic sa naiskor na 33 puntos, tampok ang career-high pitong three-pointer sa panalo ng Miami Heat kontra Minnesota Timberwolves.

Ratsada rin si Hassan Whiteside sa naiskor na 19 puntos at 13 rebound para sa ika-11 sunod na panalo ng Miami.

Nanguna sa Timberwolves si Karl-Anthony Towns na komolekta ng 35 puntos at walong rebound, habang kumubra si Andrew Wiggins ng 27 puntos para sa Wolves na natamo ang ikaapat na sunod na kabiguan.

PACERS 93, THUNDER 90

Sa Indianapolis, naghabol mula sa 11 puntos na bentahe sa halftime ang Pacers para maagaw ang panalo sa Oklahoma City Thunder.

Kumubra si Paul George ng 21 puntos at walong rebound, habang tumipa si Jeff Teague ng 17 puntos para sa ikapitong sunod na panalo ng Indiana –pinakamahabang streak na naitala ng Pacers sa nakalipas na dalawang season.

Kinapos si Russell Westbrook na maitala ang ika-26 triple-double ngayong season sa naiskor na 27 puntos, season-high 18 rebound at siyam na assist.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Utah Jazz sa Atlanta Hawks, 120-95; ginapi ng Los Angeles Lakers ang New York Knicks, 121-107; hinigitan ng New Orleans Pelicans ang Phoenix Suns, 111-106; nilunod ng Toronto Raptors ang Los Angeles Clippers, 118-109; at diniskaril ng Detroit Pistons ang Philadelphia Sixers, 113-96.