NAGKASUNDO na ang Department of Health (DoH) at Department of Education (DepEd) sa maselang usapin tungkol sa condom.
Sinabi nitong Miyerkules ni Health Secretary Paulyn Ubial na inirerespeto ng DoH ang desisyon ng DepEd na ipatupad ang programa sa pagtuturo ng reproductive health na akma sa iba’t ibang antas ng edad sa mga pampublikong paaralan sa bansa—nang hindi kailangang mamahagi ng mga condom gaya ng unang iminungkahi.
Nais ng DoH na ipamahagi ang nasabing gamit sa proteksiyon bilang bahagi ng kampanya upang mapigilan ang pagdami ng nahahawahan ng HIV-AIDS — Human Imunodeficiency Virus-Acquired Immune Deficiency Syndrome — kasunod ng biglaang pagdami ng mga kaso ng HIV sa bansa. Simula 1984 hanggang 2016, ayon sa kagawaran, nasa 38,114 na kaso ng HIV na ang naitala sa bansa, na 10,279 sa mga kasong ito ay nasa edad 15 hanggang 24 lamang. Ipinanukala ng kagawaran ang pamamahagi ng mga condom sa mga pampublikong eskuwelahan sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na hindi makikibahagi ang DepEd sa pamumudmod ng mga condom.
Ang magagawa lang ng kagawaran, aniya, ay ang patatagin ang basic education curriculum, alinsunod sa mga panuntunan ng UNESCO tungkol sa reproductive health. Pagtutuunan nito ang mga impormasyon at edukasyon tungkol sa HIV. Walang anumang uri ng contraceptives ang ipamamahagi sa mga paaralan. Mayroong mga health center ang DoH na nagsasagawa na nito, ayon kay Briones.
Ang planong pamamahagi ng mga condom sa mga eskuwelahan ay labis na tinutulan ng marami nang una itong ipanukala. Sa halip na turuan ang mga estudyante tungkol sa ligtas na pakikipagtalik, sinabi ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na marapat na tutukan ng mga paaralan ang pagtuturo ng pagpapahalaga sa pag-aasawa at pamilya. Sinabi naman ni Quezon City Rep. Angelina Tan na hindi tamang mamahagi ng mga condom sa mga estudyante sa high school bago turuan ang mga ito ng tamang pag-intindi tungkol sa pakikipagtalik.
Ngayong iniurong na ng DoH ang orihinal nitong plano na mamahagi ng mga condom, sinabi ni Secretary Ubial na makikipagtulungan siya upang matiyak na ang tamang impormasyon ay maiuugnay sa maayos na serbisyo, na hindi lilimitahan sa pagkakaroon ng access sa condom. “We can stop HIV transmission trough a collective societal effort, focusing on widespread HIV awareness among the youth and vulnerable populations,” aniya. Magtatatag ang DoH ng mga test at treatment center sa iba’t ibang panig ng bansa. Sisikapin din nitong tuldukan ang stigmatization at diskriminasyon sa mga lugar ng trabaho.
Mistulang mas makatotohanan ang solusyong ito sa problema ng pagdami ng nahahawahan ng HIV-AIDS sa bansa.
Magpapatupad ang DepEd ng programa sa pagpapakalat ng impormasyon na akma sa iba’t ibang edad ng mga estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan. Magbubukas naman ang DoH ng mga test at service center at makikipagtulungan sa ibang sektor, gaya sa mga negosyo at organisasyon sibiko. Sa programang tulad nito, maaaring makatulong ang condom ngunit hindi ito ang sentro ng programa kontra sa HIV-AIDS, gaya ng puntirya ng orihinal na plano.