IPINASARA ni DENR Secretary Gina Lopez ang 21 minahan sa bansa. Bukod kina House Speaker Pantaleon Alvarez, Bayan Party-list Rep. Isagani Zarate, sinuportahan ni Pangulong Digong ang ginawa ng kalihim.
Umalma ang grupo ng mga nagmimina at kinampihan sila ni Congressman Prospero Pichay. Ang pangunahin nilang dahilan kung bakit hindi dapat ipasara ang minahan? Marami raw mawawalan ng trabaho.
Ganito rin ang katwiran ng mga yumayaman sa jueteng. Nakatutulong daw ito sa gobyerno sa pagbibigay ng trabaho sa ating mamamayan.
Ang layunin kung bakit binuksan ang bansa sa mga nagmimina ay upang ang likas na yaman nito ay magamit at pakinabangan para sa hinahangad nitong kaunlaran. Upang ang liblib na mga pook sa bansa ay mapaunlad at matamasa ng mga naninirahan dito ang pangmatagalang kasaganaan.
Pero, ang tanging ipinagmamalaki ng mga nagmimina ay iyong trabaho na ibinibigay nila sa mga residente. Wala silang sinasabi, hango sa mga ebidensiya, kung ano ang naitutulong nila sa ating ekonomiya at ano ang inabot ng kanilang tulong sa ikabubuti ng buhay ng mamamayan sa pangkalahatan.
Sa kabilang dako, ang makikita natin ay mga ginibang kabundukan. Kinalbo nila ang mga ito at kapag bumuhos ang ulan, dumadausdos sa kapatagan ang naglalakihang... bato. Rumaragasa paibaba ang tubig na nagdudulot ng pagbaha sa tinitirhan ng mamamayan. Makapal na putik ang nanggagaling sa kabundukan na sumisira sa taniman at sakahan. Pagguho ng lupa ang laging nangyayari na pumapatay sa mga dukhang ang gilid ng bundok ang tanging nakikitang matitirahan.
Ganito rin ang itsura ng lugar kapag iniwan na nila ito dahil lubusan na nilang nakuha ang mina rito. Nakatiwangwang ito sa halip na ayusin at tamnan muli ng mga puno upang bumalik ang dating kalagayan nito. Kaya, tama si DENR Secretary Lopez. Kung saan ang minahan, naroroon ang kahirapan. Wala ka namang makitang lugar na minimina at namina na gumanda at bumuti ang buhay ng mamamayan sa paligid nito. Masyado nang sinira ng kaganiran ang ating bansa.
(Ric Valmonte)