Donald at Kanye copy

MUKHANG natapos na ang bromance nina Kanye West at Donald Trump. Binura na ng rapper ang lahat ng kanyang tweet na bumabanggit sa bagong US president.

Ayon sa TMZ, hindi masaya si Kanye, 39, sa ginagawa ni Trump sa unang dalawang linggo nito bilang pangulo. Naiulat din na ang immigration ban pati na rin ang iba pang mga isyu ang naging dahilan kaya naging anti-Trump ang Famous singer.

Nagulat ang marami sa relasyon nina President Trump at Kanye nang ibunyag ng rapper sa isa sa mga konsiyerto niya na si Trump ang iboboto niya, kung nakaboto man siya. Pagkaraan ng ilang araw, nakansela ang tour ni Kanye at naospital dahil sa naranasang mental breakdown.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Noong Disyembre, kalalabas lamang sa ospital, nakipagkita si Kanye sa presidente-elect pa lamang noon sa Trump Tower.

“Friends, just friends,” saad ni Trump sa mga mamamahayag tungkol sa kanilang pagpupulong. Tinawag din niyang “good man” si Kanye at nagpahayag na matagal na silang magkakilala.

Pagkatapos ng pagpupulong, nag-tweet si West na nag-usap sila tungkol sa “multicultural issues” at pati na ang “bullying, supporting teachers, modernizing curriculums, and violence in Chicago.”

“I feel it is important to have a direct line of communication with our future President if we truly want change,” aniya. Isa ito sa kanyang mga tweet na burado na.

Bagamat hindi pa nagsasalita si Kanye tungkol sa pagbabago ng kanyang pananaw kay President Trump, tiyak na masaya ang kanyang asawa na si Kim Kardashian. Isa sa mga kilalang supporter ni Hillary Clinton si Kim at naging haka-haka na ang pro-Trump na pananaw ni Kanye ay nagiging dahilan ng hindi nila pagkakaintindihan sa kanilang relasyon.

(Yahoo Celebrity)