Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon na iniimbestigahan ngayon ang ilang Korean national na posibleng sangkot sa kidnap-slay ng Korean businessman na si Jee Ick-joo.

“Meron, pero hindi mo maaaring i-divulge muna ngayon,” sabi ni Aguirre sa reporters kahapon nang tanungin kung may mga Korean na naging persons of interest sa kaso.

Ipinaliwanag ng kalihim na ito ay bahagi ng imbestigasyon sa alegasyon na “Korean mafia” ang nasa likod ng kamatayan ni Jee.

Sinabi ni Aguirre na kinontak na ng Department of Justice (DoJ) ang gobyernong Korean para humingi ng tulong sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Probinsya

Pulis, natagpuang patay sa loob ng headquarters sa Davao City

“As a matter of fact, our office is coordinating and contacting the Korean Embassy na kung meron silang police attaché or anything to that effect,” aniya. “Baka makatulong to shed light on this Korean mafia if ever it exists.”

Binanggit ng kalihim na maaari nitong maipaliwanag kung bakit pinatay si Jee nang araw na dinukot ito noong Oktubre 18 sa Angeles City at ilang araw pa ang lumipas bago humingi ng ransom sa maybahay nitong si Kyungjin Choi, dahil ito ay maaaring “afterthought” na lamang.

“Paano mo ii-explain na pinatay mo kaagad kung kidnapping ang original talagang plan mo. So, talagang dapat mapapaisip ka na maaaring afterthought,” ani Aguirre.

Sinabi rin ng kalihim na may naririnig na siyang mga kuwento tungkol sa “Koreans versus Koreans” noong nagtatrabaho pa siya sa Clark Development Corporation (CDC) noong 2013.

Binaggit din ni Aguirre ang reports na lumabas na si Jee ay isang illegal recruiter at isa sa mga kiliyente nito ay ang gambling tycoon na si Jack Lam, na nagmamay-ari ng Fontana Leisure Park and Casino Hotel sa Clark.

Matatandaang inaresto noong Nobyembre ang 1,316 na Chinese na illegal na nagtatrabaho sa online gambling operations sa Fontana. Nanuhol pa si Lam sa immigration officials ng P50 milyon para mapalaya ang ilan sa mga inaresto.

(Jeffrey G. Damicog)