NANG minsang bansagan ng Western media si Pangulong Duterte bilang ‘Trump of the East’, nalubos ang aking paniwala na walang dapat ipangamba ang ating mga kababayang immigrants sa United States. Nangangahulugan na hindi sila ipagtatabuyan sapagkat ang ating Pangulo at si US President Donald Trump ay masasabing sanggang-dikit, wika nga; taliwas sa kanyang relasyon kay dating US President Barack Obama na malimit niyang pahagingan ng mahahayap na salita.

Maaaring isang pagpapalabis sa katotohanan o exaggeration lamang, subalit ang aking pananaw ay nakaangkla sa kaiga-igayang pakikipag-ugnayan at pagkakatulad ng dalawang lider ng bansa. Sabi nga ng ating Pangulo: “May you live, Mr. Trump. We both curse at the slightest of reason. We are alike.”

Hindi ba naaaninag ang mabuti ring pagturing ng US President sa mga kababayan nating immigrants at green card holders? Anumang desisyon ni Trump laban sa libu-libo nating kapatid na matagal nang naninirahan sa America ay natitiyak kong ipararamdam muna sa ating Pangulo.

Hindi maiaalis na mangamba ang ating mga kababayang immigrants. Nararamdaman din nila ang matinding hagupit ni Trump sa Muslim immigrants. Sa isang Executive Order, mahigpit na pinagbabawalang pumasok sa US ang refugees mula sa pitong Arab countries na kinabibilangan ng Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria at Yemen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang naturang utos ay bunsod ng hangarin ng Pangulo na matiyak na ang papasok na refugees ay hindi maghahasik ng banta sa seguridad at kapakanan ng US. Maaaring bunsod din ito ng malalagim na pangyayari na hinihinalang kagagawan ng ilang terorista mula sa Arab nations.

Kabaligtaran ito ng situwasyon ng Filipino immigrants. Tandisang ipinahiwatig ni US State Department Deputy spokesman Mark Toner na hindi kasama ang Pilipinas sa EO na nilagdaan ni Trump. Ibig sabihin, ang mga Pilipino ay maaaring magpabalik-balik, manirahan at magtrabaho sa America. Sa madaling salita, malugod na tinatanggap ng bansa ni Trump ang mga Pilipino na... sa katotohanan ay naging kaagapay naman ng mga Kano sa lahat halos ng larangan ng pakikipagsapalaran — ekonomiya, digmaan at sa paglaban sa masasamang gawain na sumisira sa lipunan.

Kamakailan lamang, walang kagatul-gatol na ipinahayag ni Trump ang kanyang pagsuporta sa maigting na kampanya ni Duterte laban sa bawal na gamot. Natitiyak ko na ito rin ang kanyang ipinatutupad sa Amerika, lalo na nang kanyang ipagdiinan na lilinisin niya sa droga ang mga lansangan sa kanyang bansa.

Ang magandang relasyon ng dalawang lider ay sapat na upang mapawi ang pangamba ng ating mga kababayan na sila ay bubulabugin sa America. (Celo Lagmay)