Sa gitna ng mga balakid sa pagtatamo ng kapayapaan, hindi na masigasig si Pangulong Duterte sa pakikipag-usap, o maging sa pakikipag-argumento, sa Communist Party of the Philippines (CPP) founding chair na si Jose Maria Sison hanggang hindi umano nahihimasmasan ang rebel leader.

Sa halip ay pinag-iingat ng Presidente si Sison, na asylum seeker sa Netherlands, na huwag uuwi ng bansa dahil tiyak na sa kulungan ito tutuloy.

“No, no. I need to… I need to understand their senses. Until they come to their senses,” sabi ni Duterte sa media interview sa Davao City nitong weekend, nang tanungin kung makikipag-usap pa siya kay Sison upang maisaayos ang mga hindi napagkakasunduan sa peace efforts.

“I am not interested arguing with them. As a matter of fact, if they issue statements I will not answer them,” sabi Duterte, na ipinatigil kamakailan ang peace talks sa CPP.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bago nagkatablahan sa usapang pangkapayapaan, sinabi ng Pangulo na nakahanda siyang makipag-usap kay Sison sa isang neutral na ikatlong bansa upang maisulong ang nilalayong kapayapaan ng pamahalaan. Si Sison ay dating guro ni Duterte sa Lyceum University.

Tinapos nang maaga ng Presidente ang ceasefire sa mga komunista at inihayag ang planong kanselahin ang peace talks nang atakehin ng mga rebelde ang mga sundalo at dahil sa hindi makatwirang mga hinihingi nila sa negotiating table.

Pinababalik niya sa kulungan ang mga lider ng rebelde na pinalaya para makibahagi sa negosasyon at kung hindi ay aarestuhin sila. (Genalyn Kabiling at Francis T. Wakefield)