IPINAMALAS ang husay ng Pilipino sa mismong fashion capital ng mundo, tinapos ni Sari Lazaro, isang Pinay na haute couture designer, ang “Catwalk on Water” show sa Seine River sa Paris sa pagbibida ng kanyang Royal Secret Garden collection nitong Enero 27.
Ang likha ni Lazaro ay inirampa ni Jessica Minh Anh, ipinanganak sa Vietnam ngunit nakabase sa Paris, na siya ring producer ng “Catwalk on Water”. Pinagsama ang dramatic, laser-cut details sa mamahaling silk at tulle at lace, mapapansin ang romansa at misteryo sa kanyang bagong koleksiyon.
Bata pa lamang ay interesado na si Lazaro sa fashion. Dahil dito, ipinasok siya ng kanyang ina sa Central Saint Martin, tertiary art school sa London noong siya ay 17 taong gulang. Pumasok si Lazaro sa De La Salle University at nag-aral ng Fashion Marketing and Fashion Design. Kumuha rin siya ng fashion design course sa prestihiyosong Instituto Marangoni sa London, at nang bumalik sa Pilipinas noong 2012 ay sinimulan na niya ang pagdidisenyo at naging seryoso sa paggawa ng mga bestida para sa mga espesyal na okasyon.
Enero ng nakaraang taon nang nakilala si Lazaro bilang rookie designer sa sarili niyang show na “Luxe Ethereal”, na ginanap sa Maynila. Namangha sa kanyang mga disenyo ang mga celebrity at bisita mula sa fashion world, na nakita ang kanyang potensiyal sa haute couture.
Sa high-end na “Catwalk on Water”, sinamahan si Lazaro nina Fetty Rusli at Maria Ruth Fernanda ng Indonesia; Samantha Chua ng Malaysia; at Johanna DiNardo ng Amerika.
Isa ang “Catwalk on Water” sa matatagumpay na haute counture fashion event na produced ni Minh Anh, na pumili ng kakaibang lugar para sa show.
Ipinakilala si Minh Anh sa kanyang kakaibang runway production sa mga kilalang lugar, tulad ng Eiffel Tower, Tower Bridge ng London, Grand Canyon Skywalk, Skybridge ng Petronas Twin Towers, One World Trade Center, Skyway ng Gardens by the Bay, at Catwalk sa solar power plant sa Spain. (PNA)