PATULOY pa ring pinag-uusapan ang Ms. Universe pageant dahil may mangilan-ngilan pa ring hindi maka-move on sa narating na pagiging top six lamang ng pambato natin.
Last Friday, nang dumalo kami sa search for Ms. Mandaluyong 2017 sa pamumuno ni Mayora Menchie Abalos ay usap-usapan pa rin ang Miss U ng mga kaibigan naming umiikot sa lahat ng may pa-beauty contest para magdala ng mga alaga nilang kandidata.
Nagkakaisa sila sa pagsasabing nawalan ng krebilidad ang mga beauty pageant expert na nangalandakan sa kanilang website kung sinu-sino ang mga kandidatang mamamayagpag at mananalo sa 65th Miss Universe, at hindi kasali sa kanilang fearless forecast si Ms. France Iris Mittenaere.
Ang ginawa raw ng mga ito ay agad binura sa kanilang website ang mga palpak nilang fearless forecast, huh!
Samantala, hindi rin naman nagpahuli sa ganda ang presentasyon at pati na sa mukha ng mga kandidata ang Ms. Mandaluyong 2017. Katunayan, walang itulak-kabigin sa 34 candidates na nagpaligsahan.
Kinaronahan bilang Ms. Mandaluyong ang crowd favorite na si Daniela Mariz Lampley. Ang runner-ups niya ay sina Ashanti Shaine (1st runner up), Merce Grace Raquel (2nd runner up), Dana Alexa Cadad (3rd runner- up), at si Camelle Mercado (4th runner-up).
Samantala, sa habang nanonood ng naturang pakontes ay nagkomento ang katabi naming katoto na parang gusto na raw niyang maniwala na tinakluban na ni Ian Veneracion ang popularidad ng isa sa mga guest performers nang gabing iyon na si Richard Yap.
Kahit na may mga tumili pa rin naman at pumalakpak sa dalawang magkasunod na song number ni Richard, napansin ng katoto namin na hindi na ganoon kainit ang pagtanggap ng mga tao kay Richard.
“Mas hinahanap ngayon ng tao si Ian Veneracion,” sey pa ng kaibigan namin. (JIMI ESCALA)