CHICAGO (AP, AFP) – Nagmamadali ang mga visa holder mula sa pitong bansang Muslim na apektado ng travel ban ni US President Donald Trump na bumiyahe patungong United States, matapos pansamantalang harangin ng isang federal judge ang pagbabawal.

Hinihikayat ang mga maaaring bumiyahe na huwag nang magpatumpik-tumpik dahil sa kawalan ng katiyakan kung pagbibigyan ang Justice Department sa hinihinging emergency freeze laban sa kautusang inilabas noong Biyernes ni U.S. District Judge James Robart sa Seattle.

Sinuspinde ng gobyerno noong Sabado ang pagpapatupad sa ban habang inaapela ang kautusan ni Robart.

WALANG HANGGANANG PROTESTA

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Mula London at Paris hanggang New York at Washington, libu-libong mamamayan ang nagmartsa sa mga lansangan noong Sabado sa Amerika at Europe upang iprotesta ang travel ban ni Trump.

Ang pinakamalaking demonstrasyon ay nasaksihan sa London kung saan tinatayang 10,000 katao ang nakiisa, at sumigaw ng ''Theresa May: Shame on You'' para kondenahin ang pagsuporta ng British prime minister kay Trump. Daan-daan din ang nagprotesta sa Paris at Berlin.

Sa Washington, nagmartsa ang mga tao mula White House patungong Capitol Hill. Bitbit ng marami ang mga karutula na may nakasulat na ''Love knows no borders'' at ''Will swap Trump for 1,000 refugees.''