MAHALAGA ang bawat hakbangin sa pangkalahatang pagsisikap upang maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Nagdesisyon si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na magpatupad ng programa sa siyudad upang alisin sa lansangan ang mga sasakyang ilegal ang pagkakaparada.
Ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila ay nagsimula sa Epifanio de los Santos Avenue o EDSA. Sa paghahanap ng mga sasakyan ng alternatibong ruta patungo sa kanilang pupuntahan, nagpasikot-sikot sila sa ibang kalsada upang madismaya lang sa pagkakahambalang ng sari-saring sasakyan dito. Karamihan sa mga lansangang ito, partikular sa malapit sa mga pamilihan, ay okupado ng mga vendor ang isang bahagi, habang naghambalang naman sa kabila ang mga nakaparadang sasakyan, kaya naman isang makipot na espasyo na lamang ang natitira para sa trapiko. At dahil barado ang mas maliliit na lansangan, karaniwang nagsisiksikan ang mga motorista sa EDSA; kahit paano ay may mga nagmamando ng trapiko roon upang matiyak na umuusad ang mga sasakyan, bagamat napakabagal.
Sinimulan na ng Maynila ang paglilinis nito sa mga baradong daan sa pangunahing mga kalsada sa lungsod, gaya ng Quezon Boulevard, kung saan halos maghapong nakaparada ang mga sasakyan sa gilid ng Simbahan ng Quiapo at ng Quiapo Market. Palalawakin pa ng siyudad ang clean-up drive nito sa mas maliliit na lansangan na nagsisilbing alternatibo sa mga motorista, ayon kay Mayor Estrada.
Para sa bagong kampanya, bumuo ng anim na grupo sa anim na distrito ng Maynila, ang bawat grupo ay binubuo ng 25 hanggang 30 lalaki na may kasamang dalawang tow truck at isang mobile propaganda team. Sa ganap na 7:00 ng umaga, maglilibot ang mga grupo sa mga residente upang bigyang-babala ang mga may-ari ng sasakyan na kailangang alisin ang pagkakaparada sa kalsada sa loob ng 10 minuto. Pagmumultahin ang mga lalabag — mula sa P3,000 para sa kotse hanggang sa P8,000 para sa malaking truck.
Sa patuloy na pag-iral ng problemang ito sa mga sasakyang ilegal na nakaparada sa iba’t ibang panig ng Metro Manila, dapat na may kaparehong programa ang iba pang siyudad sa metropolis. Kung may ganitong programa ang lahat ng lokal na pamahalaan, makatutulong ito para maibsan ang napakatagal nang suliraning ito sa Metro Manila, habang hinihintay ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr), na maaprubahan ang hinihingi nitong emergency powers.
Kakailanganin pa rin natin ang pangmatagalang pagpaplano ng DOTr, na sasaklawin ang mga bagong imprastruktura, paglilipat ng ruta ng trapiko at mga terminal ng transportasyon, bagong mga patakaran sa pagmamay-ari ng sasakyan, at pagtatakda ng mga aktibidad na nagpapalala sa trapiko tulad ng pagbabalik-eskuwela at sale sa mga shopping mall.
Ang hakbangin ni Mayor Estrada na linisin ang mga lansangan ng siyudad sa mga sasakyang ilegal na nakaparada ay maaaring maliit na bahagi lamang ng kabuuan ng proyekto, ngunit ang anumang pagsisikap upang maibsan ang matagal nang hindi mareso-resolbang suliranin ay dapat na magsilbing inspirasyon sa mga kinauukulang opisyal upang humanap ng paraan kung ano ang maaari nilang gawin sa sarili nilang mga lugar, sa sarili nilang mga paraan, upang makatulong sa pagbibigay-solusyon sa nilulumot nang problema sa trapiko.