BOSTON (AP) — Inagaw ni Isaiah Thomas ang atensiyon mula sa nagretirong si Paul Pierce sa naisalansan na 28 puntos para sandigan ang Boston Celtics sa 107-102 panalo kontra sa Los Angeles Clippers nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Ang laro ay huling pagtapak ni Pierce sa Garden, ang lugar kung saan nakamit niya ang NBA title noong 2008 sa era na tinampukan ng ‘Big 3’ na kinabibilangan din nina Rey Allen at Kevin Garnett.

Nag-ambag si Al Horford ng 13 puntos at season-high 15 rebound para sa ikapitong sunod na panalo ng Celtics.

Naging emosyunal si Pierce tsa maiksing tribute na ibinigay ng Boston management, tampok ang highlight video ng kanyang pamamayagpag sa Garden.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nanguna sina Blake Griffin at Jamal Crawford sa Clippers sa natipang tig-23 puntos, habang kumubra si DeAndre Jordan ng 16 rebound para sa Los Angeles, nabigo sa anim na pagkakataon sa huling walong laro.

THUNDER 105, TRAIL BLAZERS 99

Sa Oklahoma City, hataw si Russell Westbrook sa naiskor na 42 puntos, tampok ang 19 sa fourth quarter, sa panalo ng Thunder kontra Portland TrailBlazers.

Kumubra rin si Westbrook ng walong assist at apat na rebound para sa ikawalong laro na nakaiskor siya ng 40 o higit pa ngayong season. Nag-ambag si Victor Oladipo ng 24 puntos at 13 board para sa Oklahoma City (30-22).

Nanguna si Damian Lillard sa Portland (22-30) sa naiskor na 29 puntos at pitong rebound, at kumana si C.J. McCollum ng 19 puntos at walong board.

RAPTORS 103, NETS 95

Sa New York, isinantabi ni Kyle Lowry ang nadaramang lagnat at injury para gabayan ang Toronto Raptors kontra sa Brooklyn Nets.

Tumipa ang All-Stars guard ng 15 puntos, 11 rebound at 11 assist para sa ikasiyam na career triple-double.

Hindi nakalaro ang may injury na si DeMar DeRozan, ngunit nagbigay ng katatagan si Jonas Valanciunas sa naiskor na game-high 22 puntos para tuldukan ang two-game losing streak ng Raptors.

Nadagdagan ang pananakit ng katawan ni Lowry nang masugatan sa kanang siko nang tumama sa camera. Kinailangan itong tahiin para maampat ang pagdurugo. Sa kabila nito, nagbabad sa laro si Lowry na halos walang kapalitan.

Nanguna si Brook Lopez sa Nets sa naiskor na 20 puntos. Ito ang ikasiyam na sunod na kabiguan ng Nets at ika-12 sunod sa home game. Hindi pa sila nananalo ngayong 2017.