GENERAL TRIAS CITY, Cavite – Binawian na ng buhay sa ospital nitong Sabado ng gabi ang lalaking kabilang sa mahigit 100 manggagawa ng House Technology Industries (HTI) na nasugatan sa sunog nitong Miyerkules, sinabi kahapon ng Cavite Crisis Management Committee (CMC).

Pumanaw si Jerome Sismaet, line leader, sa matinding sunog na natamo ng kanyang katawan habang ginagamot sa Divine Grace Hospital bandang 11:00 ng gabi nitong Sabado.

Napaulat na tumulong sa maraming kapwa manggagawa upang ligtas na makalabas sa nasusunog na tatlong-palapag na pabrika bandang 6:19 ng gabi nitong Miyerkules, si Sismaet ang kauna-unahang namatay sa trahedya.

Sa panayam ng ABS-CBN, inilarawan ni Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General Charito Plaza si Sismaet bilang isang bayani, na piniling manatili sa nasusunog na gusali upang paunahin sa paglabas ang mga kapwa niyang manggagawa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“He is a hero, being one of the line leaders na tinulungan munang maka-evacuate ang mga kasama niya bago siya lumabas,” ani Plaza.

Ang pagpanaw ni Sismaet ay kinumpirma nina Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla at Cavite Police Provincial Office director Senior Supt. Arthur Velasco Bisnar, kapwa miyembro ng CMC.

Isa si Sismaet sa mga malubha ang lagay sa ospital bago tuluyang pumanaw.

Kaugnay nito, sinimulan na ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operations (PNP-SOCO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang imbestigasyon sa sunog.

Samantala, maraming residente sa lugar ang nagtataka kung bakit hindi lumilitaw ang sinumang opisyal ng HTI para magbigay ng pahayag sa trahedya. (ANTHONY GIRON at BETH CAMIA)