MISMONG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpupuyos sa galit ang nagpahayag na ang Philippine National Police (PNP) ay “corrupt to the core” at 40 porsiyento ng mga miyembro nito ay “dishonest” o tiwali at hindi tapat sa tungkulin. Malaki ang galit ni Mano Digong sa PNP bunsod ng pagdukot-pagpatay kay Korean businessman Jee Ick-Joo ng mga tampalasang pulis (rogue cops) na sa loob pa umano ng Camp Crame sinakal hanggang sa mamatay.

Dinukot ang Koreano sa tirahan niya sa Angeles City (Pampanga) gamit ang Operation Tokhang o anti-illlegal drugs operation. Hinuli si Jee sa bintang na sangkot siya sa ilegal na droga subalit ito pala ay “Tokhang for Ransom” na modus operandi ng mga tarantadong pulis upang manghingi ng milyun-milyong pisong ransom sa pamilya ng biktima.

Inamin ng machong Presidente na labis siyang napahiya sa bulok na gawain ng mga suwail na tauhan ng PNP kaya humingi siya ng paumanhin sa gobyerno ng South Korea. Sa mga mamamayan nito at sa biyuda ng biktima. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang “bata”, kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa, na itigil muna ang Operation Tokhang (giyera laban sa droga) at linisin ang hanay ng PNP upang hindi makagawa ng kalokohan, pagkidnap at pagpatay, ang mga tauhan na “nagkukuta” sa Kampo Crame.

‘Di ba mahal na mahal ni Pres. Rody ang PNP na inatasan niyang pumuksa sa illegal drugs, itumba ang mga drug lord, pusher, at user? Batay sa mga report, mahigit na sa 7,000 ang napatay ng mga pulis, vigilantes at sindikato sapul nang maupo sa puwesto si PDu30. Kaugnay nito, nag-isyu ang Supreme Court ng writ of amparo laban sa anti-illegal drug campaign ng PNP tungkol sa umano’y harassment ng ilang miyembro ng Quezon City police sa mga pamilya ng apat na drug suspect na napatay noong Agosto 2016 sa Payatas, Quezon City. Pinagbabawalan silang makalapit sa tirahan at trabaho ng mga ito ng isang kilometro upang hindi makapanakot.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maraming natuwa sa pasya ni PRRD na itigil ang Operation Tokhang, kabilang ang CBCP. Naniniwala ang mga pari at obispo... na mahalaga ang buhay kaya mayroon silang slogan na “Mahalaga ang Buhay, Huwag kang Papatay.” Masyado raw na-spoiled ang mga pulis dahil sa garantiya at suporta ng Pangulo sa operasyon laban sa pushers at users, bibigyan sila ng abogado, at kung mahahatulan ay pagkakalooban ng pardon. Dahil daw dito, naging matapang sa pagbaril sa mga suspek kahit hindi nanlalaban.

Gayunman, nitong bandang huli, nagagamit daw ang Oplan Tokhang sa pangingidnap at paghingi ng ransom sa mga biktima, at isa rito ay si Jee Ick-Joo. Sa Binondo raw, ayon kay Teresita See, may 11 Chinese national ang kinidnap at hiningan ng milyun-milyong ransom ang pamilya ng mga ito. Hindi na sila nag-report dahil wala naman daw mangyayari.

Sen. Panfilo Lacson, nais ng taumbayan na gumawa ka ng imbestigasyon tungkol dito at nang malaman ng lahat ang katampalasan, katarantaduhan at kagaguhan ng ilang bulok na tauhan ng PNP! (Bert de Guzman)