LAGING masayang kausap si Barbie Forteza, with matching tili pa kapag tinatanong tungkol sa anumang isyu. Ito rin ang napuna sa kanya ng apat na leading men niya sa Meant To Be na sina Ken Chan, Jak Roberto, Ivan Dorshner at Addy Raj.
“Barbie is never sad, lagi siyang nakatawa kaya siya example namin sa work, iyong kahit nahihirapan na, nakatawa pa rin siya,” nagkakaisang puna nila.
Panay na naman ang tawa ni Barbie nang bumisita kami sa set at tanungin kung sino sa apat ang pipiliin niya. Nag-aaway-away na rin kasi sa social media ang fans ng apat na gusto ay ang idolo nila ang makatuluyan ng character niya sa ending ng primetime series.
“Medyo nahihirapan nga po akong mag-explain sa mga fans,” sabi ni Barbie. “Ang hirap po kasi iyong dalawa lang ang leading men ko, nag-aaway-away na rin sila, lalo ngayon na apat ang leading men ko.
“Sabi ko sa kanila, show lang ang pinapanood nila, at kaming lima, off-cam naman ay magkakasundong lahat. Pare-parehas lang ang pakikipagkaibigan ko sa kanila. Sa script na lang na kung minsan, mayroon talagang nabibigyan ng eksena. Like po ilang gabi na, si Ethan (Ivan) ang sentro ng story, dahil parang crush ko na siya dahil siya ang nagpakita ng concern sa akin sa kanilang apat. ‘Tapos nu’ng isang gabi, nalaman kong may girlfriend pala siya na akala ko ay mommy niya ang tinatawag niyang “Mi.” Siyempre asumera naman ako na akala ko ay gusto ako ni Ethan, pero hindi pala.”
“At ngayon naman si Andoy na back-up pa ng kanyang Lola Madz (Gloria Romero) ang nagpapakita ng concern sa akin, after niyang makita na nasaktan ako sa nangyari sa amin ni Ethan. Pero kami ni Yuan (Ken) aso’t pusa pa rin at si Jai (Addy) naman ay lagi rin akong inaasar. Pero eventually po, tiyak na magkakaroon din kami ng moment sa isa’t isa, lalo pa at sumusunod ang script namin sa gusto ng mga televiewers. May mga requests sila talaga kung ano ang gusto nilang mangyari sa aming lima sa story.
“Kaya labis-labis po ang pasasalamat namin sa lahat ng mga sumusubaybay sa amin gabi-gabi, nagpapa-trending sa Twitter. Basta ang message ko lang sa kanila, i-enjoy lang ninyo ang pinapanood ninyo, huwag na kayong mag-away-away dahil pare-pareho po kaming magkakaibigan sa set at nagbibigayan ng mga outputs kung may gusto kaming gawin sa eksena, with the approval of Direk LA (Madridejos).”
Ayon kay Direk LA, may ruling ngayon sa GMA na hanggang 16 weeks lamang ang isang serye dahil marami silang inihahandang mga bagong show. Ang ini-expect na lamang daw nila, magkaroon ng book two ang Meant To Be na sabi’y based sa sikat na Taiwanese telenovela na Meteor Garden.
Matatandaan na may book two nga ito at pinanood pa rin ng televiewers. (NORA CALDERON)